DUMANJUG, Cebu- Hindi umubra ang pagiging hitman ng isang lalaki matapos mabaril ng mga pulis makaraang manlaban sa isinagawang operasyon nitong Linggo sa bayang ito.
Kinilala ang nasawi na si Godofredo Manzanades alyas Junie, nasa hustong gulang, may kasong murder at taga Barangay Apo, Argao, Cebu.
Batay sa report ng Dumanjug Police Station, bandang alas-2:30 ng hapon nang nakasagupa ng operatiba ang suspek sa bulubunduking bahagi ng Barangay Kolabtingon, ng naturang bayan.
Ayon kay Police Captain Jan Ace Elcid Layug, hepe ng Dumanjug-PNP, nakatanggap sila ng report na may armadong lalaki sa nasabing lugar.
Sa pagresponde nila sa nabanggit na lugar agad silang pinaputukan ng suspek gamit ang .45 kalibre baril dahilan para gumanti ng putok ang mga pulis na nauwi sa engkwentro.
Ilang minuto ang makalipas tinamaan ang suspek sa katawan na nagresulta ng agaran nitong kamatayan.
Nadiskubre na sangkot sa ilegal na droga at isang gun for hire si Manzanades at suspek sa pagpatay kay Climark Blanco, 24, binata, at taga Barangay Apo, noong Oktubre 13, 2023 bandang alas-2 ng hapon sa Barangay Pawa, Dumanjug. Mary Anne Sapico