MANILA, Philippines – Hinimok ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga mamimili na iwasan ang pagtatago o hoarding ng mga grocery lalo na sa papalapit na super typhoon Mawar.
Napag-alaman kasi ng ahensya na may ilang namimili ng napakalaking halaga ng mga produkto para ibenta sa mas mataas na halaga sa panahon ng pangangailangan, katulad ng kalamidad.
“Hindi natin maiiwasan na may mga unscrupulous na bibili ng marami tapos ibebenta ng mahal kapag tapos na nag kalamidad. Kaya ang payo sa mga consumer ay dun tayo sa mga stores na hindi magvviolate na ganun,” pahayag ni DTI Undersecretary Ruth Castelo.
Sa kabila nito, siniguro ng DTI sa publiko na handa ang mga manufacturer na tugunan ang suplay ng mga produkto kahit pa manalasa ang super typhoon.
Batay sa market monitoring ng DTI, sapat pa naman ang suplay ng mga basic goods sa mga pamilihan.
“Sa pag-iikot natin sa stores, makikita natin lahat ng supermarket may sariling warehouse. Ang warehouse would keep an inventory of fifteen days so meron silang pampasok sa shelves ng fifteen days. Sa manufacturing days thirty to thirty five days days (ang stocks) so hindi magkakaubusan. Yung manufacturing kapag nakikita nilang nagddwindle ang supplies, tuloy ang pagmanufacture nila,” ani Castelo.
Samantala, naghahanda naman ang mga pamilihan sa pagbili ng maraming produkto na ipamimigay ng lokal na pamahalaan.
Nanawagan naman ang ahensya sa publiko na magsumbong kung may napapansin silang hoarding ng mga paninda at nagbabalak na itinda ito sa mas mahal na presyo.
Samantala, sinabi rin ng DTI na nakahanda itong magpatupad ng price freeze sa mga pangunahing produkto sa oras na magdeklara ng state of calamity ang isang LGU.
Sa ilalim ng Republic Act No. 7581, o Price Act, awtomatikong hindi maaaring galawin ang presyo ng mga pangunahing produkto sa kasalukuyan nilang presyo sa loob ng 60 araw sa oras na maideklara ang State of Calamity sa isang lugar.
“Ready naman tayo sa price freeze kahit walang bagyo o kalamidad. Alam natin kung ano ang prevailing price, and the price will have to be frozen at the prevailing price,” ani Castelo. RNT/JGC