MANILA, Philippines – Sa gitna ng pagsirit sa presyo ng sibuyas at iba pang produktong pansakahan, nagpanukala si Senate Deputy Majority Leader Senator Joseph Victor “JV” Ejercito ng mga pagbabago sa Republic Act No. (RA) 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 upang paigtingin pa ito laban sa smuggling.
“Nais talaga nating bantayan at pangalagaan ang ating mga magsasaka, ang mga konsyumer at ang sektor ng agrikultura nang tuluyan na nating makamit ang food security sa bansa,” ayon sa mambabatas sa explanatory note ng kanyang panukalang batas.
“Nasa pinakamataas na ang presyo ng sibuyas sa kasaysayan; umabot pa nga sa 700 kada kilo, na lalo pang pinalala ng mga balita tungkol sa smuggling at pagmamanipula sa presyo nito,” ayon sa Senador.
Sa ilalim ng panukalang batas, maliban sa smuggling, hoarding, profiteering at mga kartel sa asukal, mais, baboy, manok, bawang, sibuyas, carrots, isda at mga gulay na mahigit sa isang milyong piso, o ng pagpupuslit ng bigas na nagkakahalaga ng sampung milyong piso, ay ituturing na pananabotahe sa ekonomiya o economic sabotage.
Ayon sa Senate Bill No. 1688, papatawan ng parusang pagkakakulong ng hindi bababa sa labimpitong taon (17 years) ang mapapatunayan sa salang hoarding, profiteering, at mga kartel na sangkot sa pagpupuslit ng produktong agrikultura, bukod pa sa multang doble sa halaga ng mga produktong kabilang sa ikinakaso sa mga nasasakdal sa nasabing pagkakasala.
Sa kabilang dako, ang kabuuang halaga ng mga buwis, at iba pang mga singil na hindi naibayad ay ipapataw sa mga opisyal ng mga dummy corporation, mga non-government organization, mga asosasyon, mga kooperatiba, o mga single proprietorship na magbibenta, magpapahiram, magbigay ng kapahintulutan, o papayag sa hindi awtorisadong paggamit ng kanilang mga permit sa pag-aangkat na magreresulta sa profiteering, hoarding at pagkakartel.
“Ang kahirapang makasabay ng bansa sa ibang mga bansa sa usapin ng food security ay maaaninag sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at sa kakulangan ng supply ng mga ito sa merkado,” ayon pa kay Ejercito
“Kahit si Pangulong Bongbong Marcos ay inamin ang malawakang smuggling noong siya ay manawagan para sa reporma sa burukrasya upang pigilan ang nasabing smuggling,” dagdag pa ng mambabatas.
Sa pinakahuling bersyon ng Global Food Security Index, nalagay sa ika-64 na baitang ang Pilipinas sa 113 mga bansa sa apat na batayan ng food security: ang food availability, food accessibility, food utilization, at stability.
Samantala, si Senador Lito Lapid sa kanyang SB No. 1812 ay hangad amyendahan ang parehong anti-agri smuggling law para isali ang tabako at sigarilyo sa listahan na kung saan kasali ang mga pangunahing pagkain tulad ng bigas, sibuyas, asukal, karne, at iba pa. RNT