Home NATIONWIDE Holiday ceasefire sa CPP-NPA ‘di irerekomenda ng PNP – Fajardo

Holiday ceasefire sa CPP-NPA ‘di irerekomenda ng PNP – Fajardo

MANILA, Philippines – Hindi irerekomenda ng Philippine National Police kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ceasefire sa Communist Party of the Philippines at armed wing na New People’s Army, ngayong holiday season.

Sa press briefing, sinabi ni PNP spokesperson Colonel Jean Fajardo na hindi magpapakakampante ang pulisya lalo pa sa naging engkwentro sa pagitan ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines at NPA sa Batangas.

“Wala po tayong irerekomenda so far para magkaroon ng ceasefire for this holiday season at kamakailan lang dito sa Batangas ay nagkaroon ng engkwentro between the members of NPA at ‘yung ating mga kasamahan sa AFP at merong namatay at nasugatan sa hanay ng ating government forces,” ani Fajardo.

Isa ang nasawing sundalo at tatlo ang sugatan sa naturang engkwentro.

Aniya, naka-alerto ang PNP lalo na sa paparating na anibersaryo ng CPP-NPA sa Disyembre 26.

“Kasama ito sa pinaghahandaan natin, we will not lower our guards, alam natin na magkakaroon at magse-celebrate sila ng anniversary nitong December 26,” dagdag pa niya.

Magtatalaga rin ng karagdagang pwersa sa mga istasyon ng pulis sa liblib at malalayong lugar na vulnerable umano sa mga pag-atake ng NPA.

“Katuwang ang AFP to make sure na hindi tayo malulusutan ng mga banta sa seguridad including ‘yung police stations at detachments,” sinabi ni Fajardo.

Dahil sa engkwentro, pinalakas din ng PNP ang border control at checkpoint operations.

Noong nakaraang taon, hindi nagdeklara ng ceasefire ang AFP sa CPP-NPA “because of leadership vacuum within the CPP after the neutralization of many of its top leaders.”

Ngunit noong nakaraang buwan, pumayag na ang pamahalaan na ipagpatuloy ang nabalahaw sa peace negotiations sa pagitan ng National Democratic Front matapos na pumirma ng joint statement ang dalawa para sa “a principled and peaceful resolution to the armed conflict.”

“The parties agree to a principled and peaceful resolution of the armed conflict. Resolving the roots of the armed conflict and ending the armed struggle shall pave the way for the transformation of the CPP-NPA-NDFP,” saad pa sa pahayag. RNT/JGC

Previous articleTrain test run sa Cavite extension phase 1 matagumpay
Next articlePamahalaan hinimok, planong total ban sa paputok irekonsidera