Home NATIONWIDE Home detention ikinasa ng US court vs Pinoy doctor na kalaboso sa...

Home detention ikinasa ng US court vs Pinoy doctor na kalaboso sa medical fraud

NEW YORK- Kasalukuyang nasa ilalim ng home detention ang isang Filipino-Canadian at  US permanent resident matapos baguhin ng District Court of New Jersey ang kanyang conditional release.

Kinasuhan si Dr. Alexander Baldonado ng Federal Bureau of Investigation dahil sa umano’y $20.7 milyong healthcare fraud. Inisyal siyang nakalaya matapos makapagpiyansa ng $200,000.

Kabilang sa mga kaso laban kay Baldonado ang conspiracy to commit healthcare fraud, healthcare fraud, conspiracy to defraud the United States, at soliciting healthcare kickbacks, na may kabuuang mahigit $20.7 milyon.

Batay sa court documents, inakusahan si Baldonado ng pagtanggap ng cash kickbacks mula sa isang laboratory representative at iba pa sa pag-apruba sa orders para sa laboratory tests na siningil sa Medicare.

Gayundin, inakusahan si Baldonado ng pagpayag sa COVID-19 tests at mahal at hindi kinakailangang cancer genetic tests sa COVID-19 testing events. Hindi umano ni-request ng mga pasyente ang ang mga test at hindi ginamit sa treatment. Isa pa sa mga alegasyon sa kanya ang pagsingil sa Medicare sa mahabang office visits na hindi naman totoo.

Naghain si Pretrial Services Officer Erika DiPalma ng petition for action sa conditional release ni Baldonado dahil sa maraming paglabag sa kanyang release conditions. Base sa court documents, hindi tumalima si Baldonado sa curfew hours na itinakda ng korte at nagpakita ng “combative behavior” sa mga opisyal.

Dahil dito,  ipinag-utos ng korte ang home detention para kay Baldonado, na tinitiyak ang mas mahigpit na pagbabantay at pagtalima sa kanyang release conditions.

Sa ilalim ng home detention order ni New Jersey District Court Judge Susan Wigenton, bawal lumabas si Baldonado ng kanyang tahanan maliban sa “verifiable employment, education, religious, medical, substance abuse, or mental health treatment.”

Pinapayagan din ng korte ang attorney visits, court appearances, court-ordered obligations, o iba pang aktibidad na inaprubahan ng pretrial services office o supervising officer.

Binalaan ng korte si Baldonado na anumang paglabag sa mga kondisyong ito ay maaaring magresulta sa “issuance of a warrant for his arrest, revocation of his release, incarceration, and forfeiture of his bond.

Binatikos ng Filipino American Press Club of New York at ng National Union of Journalists of the Philippines si Baldonado matapos ang kanyang pagha-harass sa mga miyembro ng press na naglabas ng news reports batay sa national press release ng US Department of Justice ukol sa kanyang pagkakasakdal. RNT/SA