Home OPINION HOME LOANS NG PAG-IBIG FUND, TUMAAS NG 6%

HOME LOANS NG PAG-IBIG FUND, TUMAAS NG 6%

SANHI ng mataas na demand ay lumaki ng 6% ang nailabas na home loan ng Pag-IBIG Fund sa nagdaang tatlong bahagi ng        taong 2023 na umabot na sa Php 88.30 billion.

Mas malaki ito ng Php 5 billion kumpara sa naitalang Php 83.31 billion sa kaparehas na panahon noong taong 2022. Katumbas ito ng 68,211 housing units.

Ayon kay DHSUD o Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Jose Rizalino Acuzar at siya ring chairperson ng Pag-IBIG Fund Board of Trustees, nagpapatunay umano ito na nananatiling nasa “forefront in home financing” ang Pag-IBIG Fund na umuukupa sa 40% ng kabuuang home mortgages sa buong bansa.

Dagdag pa ng kalihim, maliban sa mahusay na ginagampa­nan ng Pag-IBIG Fund ang mandato nito ay binubuhay nito ang housing industry sa bansa, at bahagi ng pagtutupad sa pangarap na bahay ng bawat pamilyang Filipino na naaayon sa bisyon ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr.

Masaya ring ibinalita ni Secretary Acuzar na sa kabuuang malaking home loans, nasa Php 3.49 billion ang nailaan sa socialized housing na pinakinabangan ng nasa 8,216 na miyembro na nabibilang sa minimum-wage at low-income sectors.

Muli namang nagpasalamat si Pag-IBIG Fund chief executive officer Marilene Acosta sa mga miyembro ng ahensiya na patuloy na nagtitiwala sa home loan program at iba pang mga programa nito na inilalaan para sa pagkakaroon ng magandang buhay ng maraming Filipino.

Umaasa rin si CEO Acosta na aabot sa Php 130 billion ang pondong mailalabas ng Pag-IBIG Fund para home loans lalo pa’t mas marami ang nagnanais na makakuha ng bahay tuwing hu­ling bahagi ng taon.

TRANSAKSYON SA LTO,
MALAPIT NANG MAGING ONLINE!

Mapuksa ang korapsyon at matanggal ang “fixers”, ito ang layunin ng Land Transportation Office (LTO) sa kanilang direktibang madaliin na ng mga regional office ang paglipat sa online transaction.

Sa sistemang ito, maraming motorista ang hindi na kaila­ngang personal na bumisita sa LTO office. Ang driver’s licenses at vehicle registrations ay maaaring ipadala sa pamamagitan ng courier.
Ang portal o website ng LTO ay makikita sa https://portal.lto.gov.ph/. Sa kasalukuyan, maaari na ditong i-log-in ng users ang kanilang personal accounts, makita ang digital copy ng driver’s license at mga bayolasyon. Nandito na rin ang mga edu­cational materials para sa mga student driver, pati na ang iba pang transaksyon.

Previous articleCoco, ininggit si Shaina!
Next articlePINAS DAPAT MAKISABAY SA NUCLEAR ENERGY