Home HOME BANNER STORY Hontiveros kay Quiboloy: ‘Wag magtago sa audio clip, humarap ka!

Hontiveros kay Quiboloy: ‘Wag magtago sa audio clip, humarap ka!

MANILA, Philippines – Tiniyak ni Senador Risa Hontiveros na gagamitin ang lahat ng kapangyarihan ng Senado upang mapadalo si Pastor Apollo Quiboloy sa ginaganap na imbestigasyon sa kasong pang-aabusong seksuwal sa kababaihang miyembro ng Kingdom of Jesus Christ.

Sa pahayag, tiniyak din ni Hontiveros na igagalang ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ang lahat ng karapatan ni Quiboloy bilang resource person at saksi sa imbestigasyon.

Ayon kay Hontiveros, nagsasagawa ng imbestigasyon ang komite upang makalikha ng batas at may kapangyarihan ito na pilitin siyang dumalo bilang saksi – “no matter how well-connected they are.”

Sa nakaraan, ayon kay Hontiveros, sumang-ayon ang dating ng opisyal ng Gabinete, incumbent Senate president at kahit dating Pangulo sa subpoena ng Senado at dumalo bilang saksi.

“His constitutional rights, like all witnesses, are respected. Pero hindi siya mataas pa sa presidente, sa Senado, at sa batas,” giit ni Hontiveros.

Pero, tiniyak din ni Hontiveros na hindi ito natatakot na tumindig laban sa pananakita at panghahalay ni Quiboloy sa kababaihan, bata o sinuman at papanagutin ito sa ngalan ng batas.

“Sa kabilang banda, hindi po ako mangingiming tumindig laban sa mga nananakit ng kapwa — lalaki, babae, bata, at kahit kadugo, gaya ng hindi nangingimi ang Senado na magsalita laban sa mga mapanakit, mapang-abuso at tiwali,” ayon kay Hontiveros.

Sinabi ng senador na isa lamang ang hinihingi ng komite kay Quiboloy: ang magpakita sa Senado.

“Tinatawag niyong duwag ang testigong nakatakip ang mukha pero nagpasa naman ng affidavit, habang hindi kayo sumusunod sa subpoena at nagpadala lang ng audio clip,” ani Hontiveros.

“Bukas po ang Senado para sa panig niyo. Hinihintay namin kayo,” dagdag niya. Ernie Reyes

Previous articleHigit 4.4M Pinoy makikinabang sa P106B alokasyon sa 4Ps
Next articleTop assassin ng NPA ng Bicol, sumuko