Home NATIONWIDE Hontiveros kay Quiboloy: ‘Wag pa-victim’

Hontiveros kay Quiboloy: ‘Wag pa-victim’

MANILA, Philippines- Tiniyak ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality na ipaaaresto si Pastor Apollo Carreon Quiboloy, founding leader ng Kingdom of Jesus Christ, Above All Name Inc., na nakabase sa Davao City kapag muling nabigo itong dumalo sa imbestigasyon ng Senado sa ilang krimen nito.

Sinabi ni Senador Risa Hontiveros, chairman ng komite na dapat humarap si Quiboloy sa imbestigasyon hinggil sa akusasyon na hinahalay at pinagmamalupitan nito ang miyembro ng kanyang grupo.

Aniya, hindi din dapat maging pa-biktima ang lider dahil lantaran ang akusasyon ng ilang miyembro na si Quiboloy mismo ang nanghahalay sa kanila.

Hindi pinapangalanan ng komite ang ilang biktima ni Quiboloy partikular ang ilang Ukranian na naging miyembro ng grupo nito.

“Wag pong pa-victim,” ani Hontiveros.

Sinabi ni Hontiveros na tanging hinihingi ng komite na humarap si Quiboloy sa legal na proseso ng batas upang makadalo sa imbestigasyon at mabigyan ito ng pagkakataon na ihayag ang panig.

“Ang hinihingi lang sa inyo ay humarap sa mga legal na proseso, kasama ang proseso ng Senate investigation. Wag niyo pong dalhin sa lenggwahe ng patayan, kahit yan ang nakasanayan niyo,” ayon kay Hontiveros.

Itinakda ang susunod na pagdinig sa Marso 5, at kapag hindi dumalo si Quiboloy na napabalitang nagtatago sa China, kakasuhan ito ng contempt.

“Our next hearing is on March 5 and if Mr. Quiboloy does not show up, I will cite him in contempt and have him arrested,” tiyak ni Hontiveros. Ernie Reyes

Previous articleEO para sa mas mababang taripa sa e-vehicles bubusisiin
Next articleProtection order pabor sa 2 aktibista pinababawi sa SC