Home HOME BANNER STORY Hontiveros sa bagong Senate leadership: SOGIE bill ipasa na

Hontiveros sa bagong Senate leadership: SOGIE bill ipasa na

MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Risa Hontiveros nitong Lunes, Hunyo 3 ang bagong liderato ng Senado na kumilos na at ipasa ang Sexual Orientation, Gender Identity or Expression, or Sex Characteristics (SOGIESC) bill na nananatiling pending sa ikalawang pagbasa sa Mataas na Kapulungan.

Ang pahayag na ito ay kasunod ng panawagan ng United Nations Population Fund (UNFPA) sa Kongreso na ipasa na ang batas laban sa diskriminasyon laban sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community.

“I have asked the Majority Leader to look into the committee report which has remained pending in the Committee on Rules and he has promised to do so. Sana ang bagong liderato ng Senado ay tumindig para sa ating LGBTQIA+ community ngayong Pride Month at pati na rin sa araw-araw nilang pamumuhay bilang mga tao,” saad sa pahayag ni Hontiveros.

“Nineteen of my colleagues signed the committee report on the SOGIESC Equality Bill. That should speak to its acceptability across the aisle,” dagdag ng senador.

Sa text message, sinabi ni bagong Senate President Francis “Chiz” Escudero na may mas malaking tsansa ang Anti-Disrimination Act kaysa sa SOGIESC bill na inisponsoran ni Hontiveros.

“Unless the proponents of the SOGIE(SC) bill accede to some amendments, it will continue to face rough sailing in the Senate. The anti-discrimination bill, I believe, has a better chance of passing this year,” ayon kay Escudero.

Noong Mayo 8, nagsagawa ng pagdinig ang Senate committee on social justice, welfare, and rural development, na pinamumunuan ni Senador Imee Marcos sa ilang komprehensibong anti-disrimination bills na ipinanukala ng ilang senador kahalili ng SOGIESC bill.

Kung babalikan, ang SOGIESC Bill ay ipinanukala ng Senate committee on women, children, family relations, and gender equality ni Hontiveros na ini-refer sa Committee on Rules upang lalo pang pag-aralan makaraang tutulan ng ilang mga religious group at sektor. RNT/JGC