MANILA, Philippines – Buo ang suporta ni Senador Risa Hontiveros sa planong paglilipat ng confidential at intelligence funds sa mga ahensya ng pamahalaan na pumuprotekta at nag-iingat sa Pilipinas.
Ito ay kasunod ng sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri, na kapareho rin ng sinabi ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, kung saan ililipat ng Senado ang confidential at intelligence funds mula sa ilang ahensya ng pamahalaan, patungo sa Philippine Coast Guard (PCG) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
“Deserve na deserve nila ang dagdag na suportang ito,” saad sa pahayag ni Hontiveros.
“Masaya ako dahil tumitibay na talaga ang ating panawagan noong nakaraang Agosto na palakasin ang kakayahan ng PCG, National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at ng ibang ahensya,” dagdag niya.
Ayon kay Hontiveros, kailangang-kailangan ng mga ahensyang ito ng mas malaking pondo para protektahan ang yaman ng bansa, kabuhayan ng mga Filipino at maging ang hinaharap ng bansa.
“Hindi talaga kasi tama na yung mga civilian agency na walang direktang kinalaman sa national security, pero may P500 million na confidential fund, habang ang PCG na nagbabantay sa buong WPS, pagkakasyahin ang P10 million na confidential funds sa 2024,” pagdidiin ng senador.
Kasabay ng pagsasabi na ang confidential at intelligence funds ay dapat na ibinibigay lamang sa mga ahensyang ang mandato ay,
“to uphold national security,” sinabi ni Hontiveros na ang proposed increase sa PCG at iba pa ay nasa “right track.”
Samantala, sa ambush interview nitong Miyerkules, Setyembre 27, sinabi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na hindi pa nila napag-uusapan kung ano-anong ahensya ang tatapyasan nila ng badyet.
Sa kabila nito, sinabi ni Villanueva na posibleng maapektuhan dito ang mga civilian agency.
“Ayokong magsalita ng numero, but probably yung mga civilian authorities. ‘Di ba? Parang alam na natin ito ba dapat bigyan. Ayaw natin and I think some of my colleagues or most of my colleagues are saying hindi dalawa bente-singko ang intelligence fund. Sa amin sa Bulacan kapag sinabing dalawa bente-singko, halos libre na yun. Anyone can actually ask for it. So hindi po,” paliwanag ni Villanueva.
Idinagdag pa niya na nagbababala na rin sila sa mga ahensya na huwag basta-bastang humingi ng secret funds, dahil siguradong ito ay bubusisiing mabuti.
“[W]e just want accountability and ensure that this is needed,” dagdag niya. RNT/JGC