Home NATIONWIDE House probe sa madugong drug war ni Duterte, binatikos ni Dela Rosa

House probe sa madugong drug war ni Duterte, binatikos ni Dela Rosa

MANILA, Philippines – Binatikos ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa nitong Huwebes, Hunyo 27 ang anti-drug campaign ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsasabing “there is no clear statement” sa resolusyon patungkol dito ng pagiging ‘in aid of legislation.’

Ang congressional hearings at mga imbestigasyon ay bahagi ng oversight function ng legislative branch at karaniwang isinasagawa upang matulungan ang mga mambabatas na makita ang mga butas sa batas na kailangang tugunan.

Ayon kay Dela Rosa sa panayam ng ANC, nirerespeto niya ang mga mambabatas na gawin ang mga gusto nila.

Kalaunan, sinabi ng senador na wala sa teritoryo ng legislature na magsagawa ng imbestigasyon sa war on drugs ni Duterte.

“Dapat hindi na ‘yan kanilang turf ‘yung pag-iimbestiga dahil ang ginagawa nila ngayon is no longer in aid of legislation kundi para mapanagutin kuno ang mga pulis na involved diyan sa war on drugs,” sinabi ni Dela Rosa na tumutukoy sa nagpapatuloy na congressional probe.

Libo-libong drug suspects at may ilan pang inosente ang nasawi sa anti-drug campaign sa ilalim ng administrasyong Duterte kung saan si Dela Rosa mismo ang nagpatupad nito.

Nauna nang sinabi ng House Committee on Human Rights na iimbitahan nila sina Dela Rosa at Duterte sa pagdinig.

Ani Dela Rosa, hindi siya dadalo sa imbestigasyon batay na rin sa abiso ni Senate President Francis Escudero.

Sa kabila nito, sinabi ni Dela Rosa sa panayam ng ANC na magpapakita siya sa pagdinig kung magdedesisyon din si Duterte na dumalo rito.

“Out of courtesy to my former boss. Nakakahiya naman he will be the one answering all the questions na dapat ako ang magsasagot. Kailangan puntahan ko talaga. I fear the time pag dumating tayo sa punto na ‘yan that I will be breaking the time-honored and institutionally enshrined tradition of both houses ‘yung interparliamentary or inter-chamber courtesy,” anang senador. RNT/JGC