Home METRO Hudas, timbog sa drug ops: P2.4M shabu nasamsam sa Valenzuela

Hudas, timbog sa drug ops: P2.4M shabu nasamsam sa Valenzuela

SWAK sa kulungan ang isang drug personality na High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng mahigit P2.4 milyong halaga ng iligal na droga matapos ang isinagawang buy-bust operation ng mga pulis sa Valenzuela City.

Kinilala ni Valenzuela Police chief P/Col. Salvador Destura Jr. ang nadakip na suspek na si Raymond Javier y Castro alyas “Hudas”, 33, residente ng Block 4, Lot 5, Phase 2A, Northville 1, Barangay Bignay.

Base sa natanggap na impormasyon ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa pagputok ng pangalan ni “Hudas” sa pagbebenta ng iligal na droga sa kanilang lugar at kalapit na mga barangay.

Agad na nagsagawa ng validation ang mga operatiba ng SDEU laban sa suspek at nang positibo ang natanggap na impormasyon mabilis na nagsagawa ang mga ito ng buy-bust operation sa pangunguna ni P/Capt. Ronald Sanchez kung saan isang pulis na nagpanggap na buyer ang nagawang makipagtransaksyon kay “Hudas” ng P8,500 halaga ng droga.

Nang tanggapin ng suspek ang isang P500 marked money, kasama ang 8-pirasong P1,000 boodle money mula sa pulis na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad itong sinunggaban ng mga operatiba sa harap mismo ng kanyang bahay dakong alas-7:40 ng umaga.

Narekober sa suspek ang humigi’t-kumulang 365 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P2,482,000, buy bust money, hard case, cellphone at digital weighing scale.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 under Article II of RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Valenzuela City Prosecutors Office. (R.A Marquez)

Previous articleProtective reliefs pabor sa 2 environmentalist ipinagkaloob ng SC
Next articleMas malaking halaga dapat ibayad ng estado sa biktima ng pag-aresto sa mistaken identity