Home NATIONWIDE Hulyo 17-23 idinekalarang National Disablity Rights Week

Hulyo 17-23 idinekalarang National Disablity Rights Week

MANILA, Philippines – IDINEKLARA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Hulyo 17 hanggang 23 ng bawat taon bilang “National Disability Rights Week.”

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ang hakbang ay bahagi ng pangako ng gobyerno sa United Nations Convention on the Rights of Persons with Disabilities (UNCRPD).

Tinintahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, ang dalawang-pahinang Proclamation No. 597, nakasaad na ipinag-utos ni Pangulong Marcos sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa pamamagitan ng National Council on Disability Affairs (NCDA), na pangunahan, makipagtulungan at pangasiwaan ang “National Disability Rights Week.”

Inatasan din ang NCDA na tukuyin ang mga programa, aktibidad at proyekto para sa nasabing pagdiriwang.

Ang lahat ng mga ahensiya ng pamahalaan at instrumentalities, kabilang na ang government-owned or -controlled corporations, state universities and colleges ay inatasan na gunitain ang National Disability Rights Week.

Idagdag pa rito, ang lahat ng local government units, non-government organizations, at private sectors ay hinikayat na gunitain ang kahalintulad na event.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni Pangulong Marcos na ang Pilipinas ay ‘committed’ sa layunin ng UNCRPD “to promote, protect and ensure the full and equal enjoyment of all human rights and fundamental freedoms by all persons with disabilities, and to promote respect for their inherent dignity.”

Binigyang diin ng Punong Ehekutibo ang pangangailangan na amiyendahan ang Proclamations No. 1870 at 361 na maging consistent sa nilalayon ng UNCPRD at i-promote ang isang rights-based approach sa “National Disability Rights Week.”

Idineklara ng Proclamation No. 1870 (s. 1979) ang ikatlong linggo ng Hulyo bilang “National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week habang ang Proclamation No. 361 (s. 2000), idineklara ang Hulyo 23 bilang pangwakas o pagtatapos ng ng NDPR Week, paggunita sa kapanganakan ng Sublime Paralytic na si Apolinario Mabini. Kris Jose