MANILA, Philippines – Nagpulong ang mga opisyal ng Department of Justice at UN Joint Programme on Human Rights nitong Miyerkules, Hulyo 12 para pag-usapan ang kasalukuyang human rights situation sa Pilipinas.
Sa media briefing, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na nais pag-usapan ng komite ang drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at drug policy ng bansa.
“Kung paano ‘yung gagawin natin sa mga naging abuso sa drug war na iyon. Mga biktima, mga biktima na nagkakaroon ng witness protection doon sa drug war na ‘yon,” ani Remulla.
“Tapos kung ano talaga ang ating magiging polisiya sa droga. Kung ito ay babaguhin natin bilang isang… public health issue only,” dagdag niya.
Sa kabila nito, iginiit niya na nasa pamahalaan pa rin kung papakinggan nito ang mga suhestyon ng komite.
“Kasi minsan sobrang pakikiaalam ang nangyayari. Meron naman tayong sariling plano bilang isang bansa,” sinabi pa ni Remulla.
Muling iginiit naman ng opisyal na tutulong ang Department of Justice sa mga biktima ng drug war.
“Ang mahalaga, sinasabi lang natin sa taong bayan, kung kayo po ay naging biktima ng kahit anong proseso ng batas, naging biktima ng alagad ng batas sa nakaraan at kayo po ay te-testigo, tutulungan namin kayo,” aniya.
“Hindi po papayag ang DOJ na mabalewala ang pang aabuso ng kahit sino na humawak ng katungkulan sa gobyerno,” pagpapatuloy nito.
Sa datos ng pamahalaan, nasa 6,200 drug suspects ang napatay ng pulisya sa mga operasyon mula Hunyo 2016 hanggang Nobyembre 2021.
Iba ito sa sinasabi ng ilang human rights groups na posibleng umabot pa ng 12,000 hanggang 30,000 ang death toll. RNT/JGC