
MAY bagong hepe ang mahigit 32,000- strong
member Metro Manila Police Force o National
Capital Region Police Office sa katauhan ni
P/BGen. Jose Melencio Nartatez, Jr.
Pormal na umupong NCRPO director si Nartatez
noong Hulyo 7 matapos mabalam ng ilang araw ang
appointment na iniutos ni Philippine National Police
chief P/Gen Benjamin Acorda dahil kinuwestiyon ni
Interior and Local Government Secretary Benhur
Abalos.
Ayon sa DILG Boss, ipinalabas niya ang ‘withhold
order’ sa utos na reshuffle ni Acorda dahil sa paglabag sa pinaiiral na proseso ng departamento sa pamamagitan ng National Police Commission.
Pero matapos makialam ang isang mataas na
opisyal mula Palasyo ay naplantsa ang sigalot sa
pagitan nina Abalos at Acorda kaya napigilan ang
pagpasok ng isa pang aspirante na minamanok ng
isang opisyal na malapit din kay Pangulong
Ferdinand Marcos Jr.
Mula sa Region 4A o CALABARZON area na
sumasakop sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna,
Batangas, Rizal at Quezon province, hinugot sa
assignment na ito si Nartarez at itinalaga sa
Directorate for Intelligence.
Mula sa DI, muling hinugot si Nartatez at itinalaga
kapalit ni P/MGen. Edgar Alan Okubo na
itinalagang head ng PNP Directorate for Community
Relations.
Bukod sa Region 4A, si Nartatez, isang FBI o Full
Bloodied Ilocano at miyembro ng Philippine Military
Academy Class ’92, ay humawak nang iba’t ibang
posisyon na napagtagumpayan niya “with flying
colors”.
Kumpara sa mga naging assignment na ni Nartatez,
ang NCRPO position ay maituturing na isang
malaking hamon sa subok ng kakayanan ng heneral
na ito mula sa rehiyon ni PBBM.
Ang Metro Manila ay ang kapitolyo ng bansa, sentro
ng negosyo at komersyo bukod pa sa narito ang
‘seat of government’, matatagpuan ang Palasyo –
ang tanggapan at tirahan ng Pangulo, ganoon din
ang Kongreso at Senado.
Bilang pinakamataas na opisyal ng NCRPO,
magiging abala si Nartatez – bawat minuto at
Segundo ay mahalaga dahil sa kanyang pamumuno
nakasalalay ang ikabubuti o ikasasama ng peace
and order sa Kamaynilaan.
Walang naging assignment na pumalpak, kuwento
ng Crame oficials na nakausap ng Chokepoint,
kaya sa kanyang bagong role, muling masusubukan
ang husay ni Nartatez bilang isa sa maaasahang
opisyal na hinuhulaan ding magiging 'future chief'
ng PNP.