ANG hirap talagang timbangin nang hustisya sa ating bansa lalo na kung masalapi, kilalang personalidad o makapangyarihan ang mga taong naakusahan.
Ilang ulit na bang nangyari na napapawalang-sala ang isang akusado kung sa kasagsagan ng paglilitis ay biglang babaligtad ang tumatayong testigo sa maraming kadahilanan? Kung bibisitahin lang ang mga desisyong inilabas ng kataas-taasang hukuman, may ilang mga kasong iniakyat sa mga mahistrado ang nabaligtad ang desisyon bagama’t marami rin naman ang kinatigan ang desisyon ng mababang hukuman kahit pa nga umatras at bumaligtad sa kanilang unang salaysay ang mga testigo.
Isa lang sa magandang halimbawa na inilabas ng Korte Suprema ng Pilipinas ay ang pagkatig sa naging desisyon ng hukuman na humatol na guilty sa kasong falsification ang dating alkalde ng munisipalidad ng Unisan, Quezon kahit na bumaligtad ang ilang testigo sa kanilang naunang testimonya.
Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ni dating Unisan, Quezon Mayor Cesar Alpay na humihirit na ipawalang-sala siya sa kaso lalo na’t binawi ng ilang testigo ang kanilang testimonya laban sa kanya pero dahil nirebisang mabuti ng mahistrado ang dokumento, kinatigan nila ang na-unang desisyon ng mababang hukuman at hinatulan siyang mabilanggo ng mula anim na buwan hanggang anim na taon.
Ang isa pang naging kontro-bersiyal na umatras sa kanyang unang testimonya ay ang kaso ng pagpaslang sa multi-awarded actress na si Nida Blanca na natagpuang may 13 saksak at palatandaang binugbog sa likuran ng kanyang kotse sa parking lot ng Atlanta Center sa Greenhills, San Juan noong Nobyembre 7, 2001.
Sumuko ang testigong si Philip Medel makaraang ang 12-araw matapos umamin na siya ang pumatay sa aktres sa utos ng asawang si Rod Strunk subalit makaraan ang apat na araw ay binawi niya ang testimonya at sinabing pinahirapan lang siya ng mga pulis para aminin ang krimen.
Ang pinakabago naman ngayon ay ang pagpapawalang-sala sa isa sa dalawang kasong may kaugnayan sa iligal na droga laban kay dating Sen. Leila De Lima at sa kanyang driver-bodyguard na si Ronnie Dayan matapos bawiin ng testigong si Rafael Ragos ang kanyang unang testimonya na nagdidiin sa dalawa.
Nakalilito talaga ang hustisya rito sa ating bansa.
Hindi mo tuloy kayang timbangin o limiin kung tunay bang may kasalanan o walang pananagutan ang isang akusado kapag binawi ng testigo ang kanyang unang testimonya.
Sabi nga ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, hindi na rin sila magtataka kung babawiin din ng mga nahuling suspek ang kanilang naunang testimonya na nagdidiin kay Negros Oriental 3rd District Congressman Arnolfo “Arnie: Teves, Jr. lalo na’t may kanya-kanya na silang pribadong abogado na magtatanggol sa kanila.