Home OPINION HUWAG MATIGAS ANG ULO SA COVID-19 AT EL NIÑO

HUWAG MATIGAS ANG ULO SA COVID-19 AT EL NIÑO

608
0

KUMBAGA sa krimen at mga pulis, sarado o case closed na ang kasong Covid-19 para sa World Health Organization.

Pero para lang sa pandaigdigang public health emergency kaugnay ng Covid-19, paliwanag ng WHO.

Sa buntot ng pahayag ng WHO, bahala na ang mga indibidwal na bansa kung ano ang gagawin nila…kung isasarado na nila o panatilihing iiral ang kani-kanilang national public health emergency.

Sa mahal kong Pinas, hindi pa inaalis ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos ang deklararasyon para sa public health emergency.

Kaya naririyan pa rin ang pagpapairal ng health protocol, pagsusuot ng face mask lalo na, sa mga pampublikong sasakyan, opisina ng gobyerno, klinika at ospital at sarado at mataong lugar gaya ng mga mall. Hindi nga lang gaano istrikto.

BAGUIO CITY AT MANILA

Si Baguio City Mayor Benjie Magalong, hindi matatawaran ang pag-iingat laban sa Covid-19 hindi lang para sa mga nasasakupan nito kundi para na rin sa mga dumarayo sa lugar na isa sa mga pinakamaganda sa mga tourist spot ng buong bansa.

May bago nang kautusan si Mayor Benjie para sa mandatoryo o sapilitang pagsusuot ng face mask ng lahat ng residente at bisita sa mga sarado at matataong lugar kasama na ang mga mall, hotel at Baguio City Hall.

Ang dahilan – lumalaki ang bilang ng mga nagkaka-Covid-19. Sa rekord mula sa Bagong Taon hanggang Mayo 11, 2023, may namatay nang 905 sa COVID-19, may nagkasakit na 46,363, gumaling na 45,390 at aktibong kaso na 68.

Sa Lunsod naman ng Maynila, tinitimbang pa ni lady Mayor Honey Lacuna ang posibleng pagsusuot ng face mask ng lahat ng empleyado at bumibisita sa City Hall.

Pero ginagawa na ito ng mga opisyal at empleyado mismo at binibigyan nila ng face mask ang mga bisitang wala nito habang may transaksyon sa City Hall.

Panawagan ni Mayor Honey sa lahat, pairalin ang minimum health protocols gaya ng pagsusuot nga ng face mask, paghuhugas ng kamay, pagrenda ng sarili na pumasok sa mga matatao at saradong lugar gaya ng mall.

Saludo sa inyo, Mayor Benjie at Mayor Honey.

DOH: MGA OSPITAL MAGHANDA SA EL NIÑO

Grabe rin ang init mula mismo sa sun o araw at napakaalinsangan sa paligid.

Dahil dito, tiyak magkakaroon ng pagdami ng kaso ng heat stroke.

Kaya naman, pinaghahanda na ng Department of Health ni Acting Secretary Ma. Rosario Vergeire ang lahat ng ospital para sagipin ang matatamaan ng heat stroke.

Itong El Niño kasi, eh, nagsimula na at matatapos ito sa unang tatlong buwan ng taong 2024.

Pero bilang tulong sa sarili natin, mag-ingat din tayo mismo at huwag iasa lahat sa mga doktor at ospital ang ating giyera sa El Niño at heat stroke.

Huwag matigas ang ulo sa Covid-19 at El Niño.

oOo

Anomang reklamo o puna, iparating lang sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

Previous articlePAMASAHE: ANGKAS – P396, JOYRIDE – P286
Next articlePagbasura sa bagong tax bills patuloy na ilalaban ni Escudero, consumer groups

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here