Home METRO HVI, 4 kasabwat arestado sa ₱380K shabu

HVI, 4 kasabwat arestado sa ₱380K shabu

MANILA, Philippines- Nalambat ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Makati City Police Station ang isang high value individual (HVI) kabilang ang apat pang kasabwat sa ikinasang buy-bust operation nitong Miyerkules ng madaling araw, Setyembre 11.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Leon Victor Rosete ang mga nadakip na suspek na sina alyas Andong, 43, construction worker, HVI na dati nang naaresto sa mga kasong paglabag sa RA 9165 at RA 10591; alyas Cris, 43, alyas Omar, 44, karpintero, at isang alyas Mart, 32, na pawang inaresto sa mga kasong RA 9165 at PD 1602; at ang nag-iisang babaeng suspek na si alyas Jovy, 27.

Base sa report na isinumite ng Makati City police kay Rosete, naganap ang pagdakip sa mga suspek dakong ala-1:41 ng madaling araw sa General Lacuña St. Brgy. Bangkal, Makati City.

Sa ikinasang operasyon ay nagpanggap ang isang operatiba ng SDEU na isang buyer at nang naiabot na ang shabu sa naturang pulis ay agad na dinakma nito si alyas Andong na nagresulta rin sa pagkakaaresto sa apat na iba pang suspek.

Narekober sa posesyon ng mga suspek ang walong heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng 56 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱380,800, dalawang cellular phones, ₱400 cash, itim na pouch, drug paraphernalia, weighing scale, at ang ₱1,000 na ginamit bilang buy-bust money na nakapatong sa 79 piraso ng tig-₱1,000 boodle money.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), kung saan sila ay kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Makati City police. James I. Catapusan