Home METRO HVI nalambat higit ₱3.9M shabu sa Taguig

HVI nalambat higit ₱3.9M shabu sa Taguig

MANILA, Philippines – Arestado sa ikinasang buy-bust operation ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Taguig City police ang isang high value individual (HVI) na nakuhanan ng mahigit ₱3.9 milyon halaga ng shabu Sabado ng gabi, Setyembre 21.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Leon Victor Rosete ang nadakip na suspect na si alyas Joshua, 31, tinaguriang isang HVI.

Base sa report na natanggap ni Rosete sa Taguig police, naganap ang pagdakip kay alyas Joshua dakong alas-7:00 ng gabi sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng SDEU sa Barangay Ususan Taguig City.

Sa isinagawang operasyon ay nakumpiska sa posesyon ng suspect ang mahigit 580 gramo ng hinihinaang shabu na nagkakahalaga ng ₱3,944,000.

Bukod sa nakumpsikang ilegal na droga ay nakuha rin kay alyas Joshua ang kulay puti na J&T Express plastic pouch at ang ₱1,000 na nakapaibabaw sa 40 piraso na tig-₱1000 counterfeit bills na ginamit sa naturang operasyon.

Ang nakumpiskang ebidensya ay dinala sa SPD Forensic Unit upang sumailalim sa qualitative at quantitative analysis habang nakapiit sa Taguig police custodial facility ang suspect na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at Section 11 Article II ng RA 9165 sa Taguig City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan