MANILA, Philippines – SWAK sa kulungan ang isang tulak ng iligal na droga na itinuturing bilang high value individual (HVI) matapos makuhanan ng baril at mahigit P.1 milyong halaga ng shabu matapos na maaresto sa buy-bust operation sa Valenzuela City.
Kinilala ni Valenzuela City Police chief P/Col. Salvador Destura Jr, ang naarestong suspek na si Denver Santor, 31, cellphone technician at residente ng Compound 3, Sitio Cabatuhan Brgy. Gen T De Leon.
Ayon report ni Col. Destura kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, dakong alas-11:00 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng buy bust operation sa pangunguna ni P/Capt. Joel Madregalejo sa M Delos Reyes, Brgy. Gen T De Leon.
Sa ulat ng pulisya, isang undercover na pulis na nagpanggap na buyer ng iligal na droga at nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P9,500 halaga ng shabu at nang tanggapin niya ang marked money mula sa pulis poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet na shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba.
Base kay PSSg Ana Liza Antonio, nakumpiska sa suspek ang humigit-kumulang 20 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) na P136,000, buy-bust money, sling bag at isang cal. 45 pistol na may isang magazine na kargado ng tatlong bala.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions) in relation to COMELEC Resolution No. 10918. R.A Marquez