Home OPINION IBA-IBANG REAKSYON NG NETIZENS SA VIRAL VIDEO NG GURO

IBA-IBANG REAKSYON NG NETIZENS SA VIRAL VIDEO NG GURO

MAGKAKAIBA ang reaksiyon ng mga netizen sa nag-viral na video ng isang guro na nagpakita ng sobrang galit sa kanyang mga estudyante na naka-post sa social media.

Bagaman marami ang bumatikos sa naturang guro na dahilan para makatawag-pansin sa Department of Education, may ilan ding umunawa sa mga mapangahas at mapanlait na pananalita ng guro na ang direktang pinatutungkulan ay kanyang mga estudyante.

Kapag kasi napanood ang video nang pagtataray at panggagalaiti ng guro, ang unang impresyon mo talaga ay ang magalit at magbigay ng negatibong reaksiyon sa kanyang ginawa lalo’t isinapubliko pa.

Hindi talaga makatuwiran na ibalandra pa sa social media ang hindi wastong mga pananalita at panlalait na ibinabato ng isang guro sa kanyang mga estudyante dahil sa halip na makuha niya ang simpatiya ng publiko, galit ng maraming netizens ang kanyang inani.

Napakahirap na trabaho ang pagiging isang guro, lalo na sa mga pampublikong paaralan, dahil hindi maikakaila na mahirap disiplinahin ang mga estudyante lalo na’t napakarami.

Sabi nga, ang mga magulang na hihigit sa isa ang mga anak ay napupuno rin ng galit kapag hindi madisiplina ang mga anak, eh paano pa ang mga guro na nagsisilbing pangalawang ina sa isang katerbang estudyante?

Bukod dito, nakdaragdag pa rin ng init ng ulo sa mga guro ang dami ng trabahong nakaatang sa kanilang balikat at kahit nasa bahay na ay nagtatrabaho pa rin para gumawa ng lesson plan o mag-check ng resulta ng pagsusulit na kanyang ibinigay.

May ilan pa nga na binabatikos ang pagbebenta ng guro ng kakanin sa mga estudyante na nagagawa lamang nila dahil nag-aabono rin naman sila sa mga pangangailangan ng mga estudyante na hindi naibibigay ng pamahalaan.

Siguro, kung ang isinapubliko na lamang ng guro sa kanyang social media page ay ang mga hinaing ng bawa’t guro at hindi ang panlalait sa kanyang mga estudyante, aba’y tiyak na makukuha pa niya ang sentimyento sa publiko.

Previous article‘BALAI BANYUHAY’
Next articleSUNOOOOOG! MAHINANG TUBIG, MASIKIP NA DAAN