MANILA, Philippines – Nakolekta ng mga awtoridad ang iba pang hibla ng buhok na hindi mula kay Catherine Camilon mula sa inabandonang SUV sa Batangas, na pinaniniwalaang may kaugnayan sa pagkawala ng naturang beauty queen.
“Ilan lang po doon sa hair strand ang nag-match doon sa DNA profile sa nawawala nating biktima,” pahayag ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Colonel Jean Fajardo nitong Martes, Nobyembre 21.
Nitong Lunes, matatandaan na sinabi ng pulisya na narekober nila sa inabandonang sasakyan ang hibla ng buhok at bahid ng dugo, kung saan nag-match ang mga ito sa DNA profile ng mga magulang ni Camilon.
Kinukumpirma umano nito ang pahayag ng mga saksi na ang beauty queen ang duguang biktima na nakita nilang inililipat ng tatlong lalaki sa sasakyan.
Si Camilon ay nawawala pa rin mula noong Oktubre 12.
“Possible po na doon sa tatlong lalaki po na nakita ng ating mga witness na naglipat doon sa duguang babae,” ani Fajardo.
Nagpapatuloy naman ang forensic examination sa narekober na ebidensya.
“Kailangan natin ng ibang standard na mapagkukumparahan po natin dito sa mga ibang ebidensya na na-rekober,” dagdag ni Fajardo.
Samantala, inihain na ang kasong kidnapping at serious illegal detention complaints laban kay Police Major Allan de Castro, drayber at bodyguard na si Jeffrey Magpantay, at dalawa pa kaugnay sa pagkawala ni Camilon.
Pansamantala ring inalis sa pwesto si De Castro habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Inilagay din siya sa ilalim ng Regional Personnel Holding and Accounting Unit. RNT/JGC