Home METRO Iba’t ibang booth tampok sa Bambanti Festival 2024

Iba’t ibang booth tampok sa Bambanti Festival 2024

ILAGAN CITY, Isabela – Kamangha-mangha ang mga naglalakihan o giant booth ng bawat bayan at siyudad na natampok ngayong Bambanti Festival 2024 dito sa Capitol Compound, Barangay Alibagu, Ilagan City, Isabela.

Pinangunahan ni Vice Governor Faustino Dy III ang ribbon cutting sa kick off ng Bambanti 2024 kung saan sinimulan niya ang pag-iikot sa iba’t ibang booth at giant scarecrow kung saan maraming mga local government units ang nagpakita ng angking kagalingan dahil sa kakaibang tema.

Sa mensahe ni Vice Gov. Dy, “Ito ang ating paraan upang makapagpasalamat sa lahat ng mga biyaya at pagsalubong sa mga panibagong paghamon.”

Sa ngayon mananatiling highlight sa Bambanti 2024 ang street dance competition kaya naman inaasahan na ng mga opisyal ng lalawigan ang magandang koordinasyon para sa naturang event.

Tiniyak naman ng Bise Gobernador na makakatulong sa mananalong LGU ang maipagkakaloob na infrastructure project.

Ang matagumpay na paglulunsad ng Bambanti Festival ay dahil sa magandang koordinasyon ng mga organizers na siyang nakatoka sa bawat event gayun na din ang bawat improvement na kanilang ginagawa taon-taon para mas mapaganda ang Bambanti Festival.

Ang Bambanti ay mula sa salitang Ilocano habang sa salitang English ay Scarecrow na nagsisilbing bantay sa palayan na pang-taboy sa mga ibon at insekto para sa mas masaganang ani.

Habang ang tema ng nasabing kapiyestahan ay ‘Ettam ngana ta Isabela’ mula sa salitang Ybanag na ang ibig sabihin ay ‘Tara na sa Isabela.’

Kaugnay nito, agaw-pansin din ang Bambanti Arc na nagbigay-buhay at sigla sa mga tanawin sa nasabing kapiyestahan na inisyatibo ni Atty. Noel Manuel R. Lopez, Provincial Administrator.

Samantala, Siniguro naman ni PCol. Lee Allen Bauding, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO ang kaligtasan ng bawat Isabeliño maging ang mga turista na makikisaya sa isang lunggong pagdiriwang na mayroon nakabantay na 350 pulis sa lahat ng sulok na pagdarausan ng mga programa at aktibidad sa taunang Bambanti Festival. Rey Velasco

Previous articleUnang pulong ng DOJ sa UN Special Rapporteur, naging matagumpay
Next articlePag-iimbita sa mas maraming OFW na umuwi sa bansa, suportado ng BI