ANG pagtatangka ng gobyerno na bigyang babala ang publiko laban sa pagda-download at pagbabahagi ng mga leaked personal data mula sa PhilHealth ransomware attack nitong Setyembre 22 ay umaalingasaw sa kaipokritohan.
Sinisita ko rito ang National Privacy Commission. Nakagugulat na ang mismong komisyon na responsable sa pagbibigay-proteksiyon sa ating mga pribadong impormasyon ang promotor sa pagbabaling ng sisi sa publiko.
Wala man lang ginawa ang gobyerno upang maprotektahan ang mga sensitibong datos ng mamamayan na nasa pag-iingat ng mga ahensiya nito. Hindi pinakialaman ang data ng PhilHealth sa isang magdamagan; resulta ito ng kapabayaan at kawalan ng pamumuhunan sa digital security infrastructure.
Ngayon naman, nagagawa pa nilang bantaan ang mga indibiduwal na nakompromiso na nga dahil sa kanilang kapalpakan. Akalain n’yo, mismong ang National Bureau of Investigation na ang nagsabi na magiging pahirapan ang pagtugis sa mga nag-download ng napakialamang personal data.
Kaya sa halip na bantaan at takutin ang publiko, aminin na lang sana ng gobyerno ang kapalpakan nito at akuin ang responsibilidad sa nangyaring breach – lahat ng kabuuang 650 gigabytes ng data na ninakaw ng hackers mula sa health insurance firm na pinangangasiwaan ng pamahalaan.
Kung pagbabasehan ang reaksiyon ng gobyerno sa PhilHealth ransomware attack, nalantad ang kawalang kakayahan nito pagdating sa digital threats. Napakalaking abala para sa mga miyembro ng PhilHealth na i-update ang kani-kanilang credentials at magkasa ng sariling hakbangin para sa kanilang data privacy.
Malinaw na hindi kaya ng gobyerno na tiyakin ang proteksiyon ng data ng mamamayan nito. Kaya ipinasa na lang ang responsibilidad nilang ito sa mismong mga tao na hindi nila nagawang protektahan. ‘Yan talaga ang dahilan sa paghimok sa mga miyembro ng PhilHealth na baguhin ang kanilang passwords.
Habang nagsasalita ang pamahalaan tungkol sa pagtugis sa mga nasa likod ng insidente, lalo lamang nagliliwanag ang katotohanang kulang na kulang, sa simula pa man, ang kanilang cybersecurity measures. Sa nangyari, nabigyang-diin ang matinding pangangailangan ng gobyerno na gawing prayoridad at seryosohin ang pag-i-invest sa isang agaran at pangmalakasang digital security infrastructure.
Ang makapangyarihang ‘small committee’
Inianunsiyo nitong Martes ng bagong “small committee” sa Kamara de Representantes ang paglilipat ng P1.2-bilyon confidential funds na nasa National Expenditure Program. Ito ang una at napakahalagang hakbangin ng transparency sa budget ng Pilipinas.
Kung inyong matatandaan, nabigyang-diin sa ilang linggong deliberasyon sa panukalang 2024 national budget kung paanong kumukubra ang mga civilian government agencies ng confidential and intelligence funds at kung paanong walang pakundangan ang ilang tanggapan sa paglulustay sa mga ito.
Kapuri-puri ang determinasyong ipinakita nina Marikina Rep. Stella Quimbo at AKO Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, kasama ang mga natitirang miyembro ng munting komite na ito, sa paghamon sa mga kuwestiyonableng detalye na nakakulapol sa mga pondong ito. Sa huli, nagdesisyon silang gawing prayoridad ang paglilipat sa mga pondo batay sa pagkakasunod ng tatlong bagay na dapat na tutukan ngayon ng bansa: inflation, soberanya, at pananagutan.
Nabigyang-diin pa ang importansiya nito dahil sa mga kritisismong puntirya ang Office of the Vice President at ang Department of Education, parehong pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte-Carpio. Ang nakalululang P650 milyon halaga ng CIF na hiniling ng kanyang mga tanggapan ay naging sentro ng mga balidong pagkabahala tungkol sa fiscal accountability.
Malinaw ang mensahe ng desisyong ito ng Kamara: ang interes ng publiko at ang pananagutang pinansiyal ay laging namamayani kaysa mga sekretong pondo. Isa itong importanteng hakbangin para sa isang gobyernong nakikinig sa mamamayan nito, at malaking ginhawa rin na ang ginawang ito ng Kamara ay suportado ng Senado kasunod ng executive session tungkol sa usapin.
Inaasahan nating pagtitibayin ng Senado sa bi-cam ang parehong pasya.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View sa X app (dating Twitter).