Home NATIONWIDE ICC investigators minomonitor ng PNP kung nasa Pinas na

ICC investigators minomonitor ng PNP kung nasa Pinas na

MANILA, Philippines – Inihayag ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes, Enero 15 na kasalukuyan nilang minomonitor kung nasa Pilipinas na ba ang mga tauhan mula sa International Criminal Court (ICC).

Sa pulong balitaan, sinabi ni PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr. na nakabantay ang ahensya sa mga ulat patungkol dito.

“We cannot confirm or deny that. But the PNP is monitoring kung anuman ang efforts dito, anong presence nila. But as of now, we are keeping it to ourselves muna iyong report,” ani Acorda.

Ang pahayag na ito ay nang tanungin siya kung ang PNP ba ay may intelligence information na nasa bansa na ang ICC investigators, para imbestigahan ang drug war ng Duterte administration.

Nauna nang sinabi ni Bureau of Immigration (BI) spokesperson Dana Sandoval na hindi sila makakapagkomento sa naturang usapin dahil wala pa silang opisyal na impormasyon kaugnay nito.

Noong Biyernes, sinabi ni Justice spokesperson Mico Clavano na hindi mabeberipika ng BI kung ang isang indibidwal ba ay mula sa ICC.

“Upon inquiry doon sa BI, kay Commissioner Norman Tansingco mismo, hindi po nila mabe-verify or ma-confirm kung pumasok nga ba talaga ‘yung mga taga ICC,” pagbabahagi ni Clavano sa isang ambush interview.

Sa kabila nito, nilinaw ni Clavano na hindi ito pagtatanggi o pagkumpirma sa presensya ng ICC.

“We’re also not admitting or confirming or acknowledging their presence here in the Philippines. Puwede rin naman pong hindi totoo ‘yung balita na ‘yun,” anang opisyal.

Ang presensya ng ICC sa bansa ay unang pinalutang ni dating presidential spokesperson Harry Roque na nagsabing ilang indibidwal ang nagsabi sa kanyan na may mga personalidad mula sa ICC ang labas-pasok sa Pilipinas.

Iginiit ni Solicitor General Menardo Guevarra na walang legal duty ang pamahalaan para makipagtulungan sa ICC investigation.

“As far as the government is concerned, it has maintained its position that the state has no legal duty to cooperate with the ICC investigator,” ani Guevarra.

Ipinunto niya na ang ICC ay maaaring mag-imbestiga sa drug war kahit hindi na pumunta sa bansa.

“The ICC prosecutor can actually conduct his investigation without coming to the Philippines, as he has local groups providing him support and assistance,” aniya. RNT/JGC

Previous articleTransport groups na pabor sa jeepney modernization, nais sumabak sa usapin sa SC
Next article“The Other Side” in Manila ni Mark Tuan, dinumog ng mga fans!