Home HOME BANNER STORY Ilang bahagi ng EDSA isasara sa mga motorista para sa People Power...

Ilang bahagi ng EDSA isasara sa mga motorista para sa People Power anniv activities

MANILA, Philippines- Pinayuhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Sabado ang mga motorista na maghanap ng alternatibong ruta dahil gagamitin ang ilang lanes sa EDSA para sa pagdiriwang ng People Power Revolution anniversary sa Linggo.

Sa isang panayam, inihayag ng MMDA na magtatalaga ng zipper lane simula hatinggabi sa kahabaan ng People Power monument kung saan may aktibidad na nakatakdang isagawa.

“Mamayang 12:00 midnight, magsi-zipper lane na kami sa People Power Monument kasi magse-setup na dun, kasi magkakaroon ng parang mini-concert,” pahayag ni MMDA Traffic Enforcement group director Atty. Victor Nuñez.

“Dun sa may White Plains palabas going to EDSA, sa Sunday, dun ang activity,” dagdag niya.

Nauna nang sinabi ng Philippine National Police earlier na halos 8,500 pulis ang ipakakalat upang magbantay ng seguridad para sa inaasang kilos-protesta sa National Capital Region at Cebu sa anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.

Sa Manila, kasado ang kilos-protesta malapit sa EDSA Shrine sa February 25, alas-3 ng hapon, ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).

Samantala, hiniling naman ng MMDA sa organizers na isang lane lamang ang gamitin para sa mga aktibidad.

“Sa mga grupong magma-martsa, umaapela kami sana na isang lane lang ang sakupin,” ani Nuñez. 

Ngayong 2024 ay gugunitain ang ika-38 anibersaryo ng mapayapang protesta na tumuldok sa pamamahala ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at nagluklok kay Corazon Aquino bilang presidente.

“Sa Sunday, full force kami dahil may laro rin ang Gilas Pilipinas sa PhilSports Arena sa Pasig City kasabay ng anibersaryo ng EDSA People Power Revolution… Full force kami this weekend, this Sabado and Linggo,” wika ni Nuñez. RNT/SA

Previous articleComelec nakipagpulong sa Manila LGU: Mga botanteng senior dapat may acknowledgement receipt
Next articleBisita sa Panagbenga 2024 nakaambang lumampas sa pre-pandemic levels