MANILA, Philippines – Apektado ng volcanic smog o vog mula sa Bulkang Taal ang timog na bahagi ng Metro Manila.
Ayon kay PAGASA weather forecaster Rhea Torres, batay sa kanilang datos, ang hangin na nagmumula sa northeast na may volcanic smog ang posibleng nakaka-apekto sa southern portion ng Metro Manila.
“Take note may sulfuric content ang hangin. Hazardous po ito lalo na sa mga may sakit sa baga. Dapat magdala ng face mask,” sinabi ni Torres sa panayam ng TeleRadyo Serbisyo.
Sa pinakahuling bulletin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, nagsimulang maka-apekto ang vog sa Taal at mga kalapit na lugar noon pang unang linggo ng Setyembre sa average na 3,402 tons a day ng volcanic sulfur dioxide, o SO2 gas emission mula sa bulkang Taal.
Nakapagtala rin ang Phivolcs ng patuloy na upwelling sa Taal Main Crater Lake, at bumubuo ng steam plumes na may taas na 2,400-metro bago kumilos pa kanluran-hilagang kanluran.
Umabot naman sa 4,569 tons/day ng volcanic sulfur dioxide o SO2 gas emission ang bulkang Taal nitong Huwebes, Setyembre 21.
“Satellite monitors have also detected a large cloud of SO2 over and stretching west of Taal Lake (Thursday),” ani Torres. RNT/JGC