Home NATIONWIDE Ilang bayan sa Cebu nawalan ng kuryente sa pagtatapos ng botohan

Ilang bayan sa Cebu nawalan ng kuryente sa pagtatapos ng botohan

MANILA, Philippines – Nakaranas ng brownout ang ilang bayan partikular na sa southern Cebu kasabay ng pagsasara ng mga botohan para sa idinaos na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) nitong Lunes ng hapon, Oktubre 30.

Natanggap ng Commission on Elections sa Cebu ang mga ulat na ilang lugar sa Cebu ang nawalan ng kuryente.

Karamihan sa mga ito ay mula umano sa ika-pitong distrito ng probinsya.

Iniulat na nangyari ang power interruption ilang minuto makalipas ang alas-3 ng hapon, kung saan naghahanda na sa manual count at pag-canvass ng boto ang mga voting precinct.

Agad na nakipag-ugnayan ang Comelec Cebu sa service provider na Cebu Electric Cooperative – 1 (Cebeco-1) upang maibalik ang kuryente sa mga apektadong lugar at magpatuloy na ang pagbibilang ng mga boto.

Sakop ng Cebeco-1 ang kabuuang 18 munisipalidad at lungsod sa southern Cebu, ito ay ang Alcantara, Alcoy, Alegria, Argao, Badian, Barili, Boljoon, Carcar City, Dalaguete, Dumanjug, Ginatilan, Malabuyoc, Moalboal, Oslob, Ronda, Samboan, Santander, at Sibonga. RNT/JGC

Previous articleBarangay chairman, 5 iba pa sugatan sa pamamaril sa Basilan
Next articleUPDATE: Aabot sa 346 balota sinira ng taga-suporta ng kandidato sa Palawan