MANILA, Philippines – Kakasuhan ng Department of Justice ang mga opisyal ng Department of Agriculture at ilang negosyante kaugnay sa onion smuggling.
Kinumpirma ni Justice Secretary Crispin Remulla, kasama sa mga opisyal na sasampahan ng kaso sina suspended DA Assistant Secretary Kristine Evangelista, Bureau of Plant Industry OIC Glenn Panganiban at Agribusiness and Marketing Assistance Service OIC Junibert De Sagun.
Kabilang sa mga ikakasang kaso sa Korte at sa Office of the Ombudsman ay paglabag sa Anti Graft Law at paglabag sa Revised Administrative Code.
Ipaghaharap naman ng kasong Hoarding, profiteering, falsification of private documents and use of falsified documents laban sa mga opisyal ng Bonena Multipurpose Cooperative na sina Israel Reguyal, Mary Ann Dela Rosa at Victor Dela Rosa Jimenez.
Ayon kay Remulla malakas ang mga ebidensya na kanilang hawak para kasuhan sa korte ang mga naturang indibiduwal at ilang negosyante.
βAng ibig sabihin yan prima facie na evidence na ang hinahanap natin hindi lang probable cause which is a higher standard that’s why we may be a little slower but surer of what were doing of how we will prosecute these cases,” ani Remulla.
Tuluy-tuloy aniya ang kanilang imbestigasyon sa isyu ng smuggling kaya madaragdagan pa ang mga makakasuhan. Teresa Tavares