MANILA, Philippines – Isinara sa mga motorista ang ilang kalsada sa Benguet dahil sa kabi-kabilang baha, pagguho ng lupa at mga natumbang puno.
Sa ulat ng lokal na pamahalaan, sarado ang kalsada mula Catingel hanggang Camp 30, Caliking, Atok, Benguet dahil sa pagguho ng lupa at mga natumbang puno dulot ng malakas na ulan at hangin na dala ng bagyong Egay.
Agad na isinagawa sa lugar ang clearing operations.
Samantala, hindi rin madaanan ang Bokod-Baguio road dahil sa landslide partikular na sa Tokmo, Sakbil, Itogon; Labey-Lacamen Road; Gurel – Pito Road (isang lane lamang ang madaraanan); at Gurel – Kabyan na isang lane lamang din ang madaraanan.
Sa La Trinidad, Benguet, nalubog naman sa baha ang pamosong Strawberry Fields dahil din sa malalakas na pag-ulan dala ng bagyong Egay dahil sa pagtaas ng lebel ng tubig sa Bolo Creek.
Inaabisuhan ang publiko na patuloy na maging alerto sa mga banta ng pagbaha at landslide dahil sa bagyong Egay. RNT/JGC