Home HOME BANNER STORY Ilang lalahok sa transport protest, hinarang ng mga pulis – Manibela

Ilang lalahok sa transport protest, hinarang ng mga pulis – Manibela

MANILA, Philippines – Pansamantalang naantala ang kilos-protesta na idinaraos ng Manibela matapos harangin ang ilang miyembro nito ng halos dalawang oras, sinabi ng chairman ng grupo.

“Hindi kami makapagproceed dahil doon sa mga na-ipit naming mga miyembro na hinarang ng ating mga kapulisan. Hindi natin alam kung bakit may mga checkpoints ngayon na nakalatag at nakahold sila ng halos dalawang oras na,” ayon kay Manibela chairman Mar Valbuena sa panayam ng CNN Philippines.

Ani Valbuena, ang mga apektadong miyembro ay mula sa National Capital Region, Bulacan, Cavite, at Laguna.

Dagdag pa niya, kung may nilabag umano silang batas ay dapat na pinagmulta na lamang saka pinakawalan.

Mayroon din umanong apat na trak ng mga pulis sa España Boulevard sa Maynila, sinabi pa ni Valbuena.

“Sa nakikita ko ngayon, overkill yung paglatag ng kapulisan sa España.”

Lalahukan ng PISTON ang kilos-protesta ng Manibela na magsisimula sa University of the Philippine Diliman at magtutungo sa Welcome Rotonda sa Quezon City, at didiretso sa Mendiola.

Nasa 10,000 miyembro mula Metro Manila ang inaasahang lalahok, kabilang ang 5,000 iba pa mula sa mga probinsya.

Panawagan ng grupo sa pamahalaan na palawigin ang validity ng kanilang mga indibidwal na prangkisa. RNT/JGC

Previous articleBI nagbabala sa mga mangingibang bansa: Mga dokumento, ‘wag dayain
Next articlePetisyon laban sa jeepney modernization ipinababasura ng DOTR at LTFRB