Home METRO Ilang lugar sa Calabarzon binaha kay Bagyong Aghon

Ilang lugar sa Calabarzon binaha kay Bagyong Aghon

MANILA, Philippines- Nagdulot ng baha si Severe Tropical Storm Aghon sa Calabarzon Region nitong Linggo, na nakagambala sa mga motorista at mga mananakay sa ilang lalawigan.

Sa ulat, sinabi ng Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na malaking bahagi ng Lucena, Quezon City ang binaha.

Mahigit 300 indibidwal ang nasagip, ayon sa Quezon local government na nangakong ipagpapatuloy ang rescue operations nito.

Sa Pagbilao, Quezon, halos umabot na ang tubig mula sa umawas na ilog sa train bridge.

Samantala, ilang bangka sa Mauban, Quezon ang nawasak dahil sa malakas na alon.

Bumagsak din ang mga puno sa Lucban, Quezon, habang natumba ang poste ng kuryente sa Tayabas. 

Samantala, hanggang alas-4 ng hapon nitong Linggo, mga truck at bus lamang ang nakadaraan sa abot-bewang na baha sa kahabaan ng national highway sa Bay, Laguna.

Nagbigay naman ang Armed Forces of the Philippines at ang Philippine National Police ng libreng sakay sa publiko dahil ayon sa Laguna Provincial Office, halos isang kilometro ng national highway ang hindi madaanan dahil sa baha.

Puno rin ng tubig-ulan ang ilang palayan sa Calauan, Laguna, habang inilikas ang mga residente sa paglampas ng lebel ng tubig sa ilog sa normal na lebel nito sa Pagsanjan, Laguna.

Nasa 197 pamilya naman ang nasa evacuation centers habang pitong lugar sa Laguna ang walang kuryente.

Napawid din ng malakas na hanging dulot ni Aghon ang mga bubong ng mga establisimiyento sa Lipa, Batangas, habang kinailangan ng crane upang tanggalin ang isang truck mula sa ilog matapos itong dumulas sa daan at mahulog sa tubig.

Lumakas pa si Aghon sa severe tropical storm nitong Linggo ng hapon. Itinaas ang Signal No. 3 sa Polillo Islands. Jocelyn Tabangcura-Domenden