BILANG pagsunod sa kautusan ng Office of the Pre-sident na responsableng paggamit at pagtitipid sa tubig, pinag-aaralan na ni San Juan City mayor at kasalukuyang Metro Manila Council president Francis Zamora ang paglalagay ng mga rainwater catchment sa lahat ng lungsod at bayan sa National Capital Region sa pamamagitan ng MMDA o ng Metropolitan Manila Development Authority.
Ayon sa alkalde, ang tubig ulan na pwedeng maipon ng mga rainwater catchment ay maaaring magamit ng mga lungsod at bayan sa kanilang mga aktibidad na kinakailangan ng tubig at hindi kaagad ang mga nasa tangke at gripo. Magiging malaking ka-bawasan umano ito sa konsumo ng tubig.
Batay naman kasi sa model forecast ng PAGASA, magpapatuloy parin ang nararanasang mga pag-ulan dulot ng Habagat at mara-ramdaman ang El Niño sa huling bahagi ng taong 2023 hanggang sa unang bahagi ng taong 2024.
Bago pa ang inaasahang pagtama ng weather phenomenon ay matagal nang inaabisuhan ng NWRB o National Water Resources Board ang mga national government agencies at ang mga local government units kaugnay sa paggamit ng rain catchment sa kani-kanilang mga nasasakupan, at maging sa mga pribadong gu-sali at mga tahanan.
Sa kasalukuyan ay nasa operational level pa naman ang Angat dam sa antas na 182.69 meters. Dito umaasa ng suplay ng tubig ang 90% ng Metro Manila at mahigit 25,000 na sakahan sa mga lalawigan ng Bulacan at Pampanga.
Paalaala ni NWRB executive director Dr. Sevillo David, Jr. ay mayroong batas na nag-aatas sa mga Barangay na maglagay ng rainwater collectors at ito ay ang Republic Act No. 6716 o ang “Rainwater Collector and Spring Development Act” naging batas noong taong 1989 pa.
Samantala, kaugnay sa ina-abangang “Wattah Wattah Festival” ngayong June 24, 2023 ay ipinagbawal muna ni Mayor Zamora ang pagkakaroon ng basaan sa San Juan city, at sa halip ay muling isasagawa ang “Basbasan sa Makabagong San Juan” kung saan ang imahe ng patron ang siyang iikot sa bawat Barangay ng lungsod katulad ng ginawa noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Naghahanda na rin ang mga lungsod ng Marikina, Pasay at Malabon sa inaa-sahang pagtama ng El Niño sa bansa.