Home METRO Ilang pamilihan sa Maynila ininspeksyon ng DTI

Ilang pamilihan sa Maynila ininspeksyon ng DTI

MANILA, Philippines- Nagsagawa ng surprise inspection ang Department of Trade and Industry (DTI) kasama si Senator Mark Villar sa mga Christmas light at Noche Buena items, sa ilang supermarket at mall sa Divisoria, Manila.

Si Villar ang siyang chairperson ng Senate committee on commerce, trade and entrepreneurship na nanguna sa price and quality inspection kasama sina DTI Secretary Alfredo Pascual, DTI Assistant Secretary Amanda Nograles, at DTI Fair Trade Enforcement Bureau (FTEB) Director Atty. Fhillip D. Sawali.

Partikular na inispeksyon ang isang supermarket store sa Tayuman sa lungsod at ilang mall sa kahabaan ng Recto Avenue sa Divisoria sa Maynila.

Sinabi ng DTI na marami ang nakasunod sa ginawang pagsusuri sa Noche Buena items na ibinebenta ayon sa price guides ng gobyerno.

“Sinisigurado lang na up to standard yung mga produkto ng noche buena item lalo na malapit na ang Pasko,” sabi ni Villar.

Limang tindahan naman sa ilang shopping mall ang nadiskubreng nagbebenta ng mga substandard na Christmas lights, mga hindi naka-indicate ang brand, at hindi sumusunod sa guidelines sa paggamit o paglalagay ng Philippine Standard (PS) mark, Import Commodity Clearance (ICC) stickers.

Isa na rito ang nakumpiskahan ng 16 kahon ng Chrismass light item na hindi nakatalima sa nabanggit na panuntunan ng ahensiya.

Mag-iisyu ang inspection team ng multiple notice of violation sa limang nahuli at ang mga item ay dadalhin sa warehouse para sa karagdagang pagsusuri at pagsira.

Hinimok naman ni DTI Secretary Alfredo Pascual ang publiko na bumili lamang ng Christmas lights na sertipikado ng DTI at hanapin ang tunay na marka ng ICC, PS mark, sa produkto.

Babala ni Pascual, ang paggamit ng mga substandard na Christmas lights at iba pa ay nagdudulot ng panganib sa mga mamimili dahil maaari itong magdulot ng sunog at electrical shock. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleMga baril ni Abong pinababawi ng DILG
Next article₱3.4M shabu nasamsam sa Sulu