MANILA, Philippines – Nagsagawa ng kilos-protesta sa pamamagitan ng tigil-pasada ang ilang Grab riders.
Ito ay dahil sa ipinatupad na matrix adjustment ng ride hailing app na ayon sa Kapatiran sa Dalawang Gulong (Kagulong) ay hindi umano makatarungan dahil sa pagkabawas ng malaki sa kanilang kita.
Sinabi ni Ernesto Mira Cordova, isa sa Grab driver na sila ay naka-offline at marami umano sa kanilang mga kasamahan na nagtigil-pasada.
Dagdag pa na inirereklamo ng mga rider na nagtigil-pasada ay ang pagpapatupad ng kumpanya ng bagong matrix na nagbawas umano sa kanilang kita ng P45.
Ito ay mula sa dating P35 reduction base fare kasama na ang P10 bawas sa 6 kilometer minimum per kilometer rate na dati ay P7 lamang.
Ayon pa sa Kagulong na hindi umano muna nakonsulta ang mga riders bago ipinatupad ang nasabing matrix kaya nagulat ang mga ito.
Nanawagan din ang samahan sa gobyerno na matulungan sila sa kanilang panawagan.
Nitong Miyerkoles, Oktubre 25, ipinatupad ng Grab ang bagong matrix kung saan sinabi nito na sa ilalim ng bagong model ang mga rider umano ay mababayaran para sa mas matagal na paghihintay sa mga merchant outlet. Inadjust din umano ng kompanya ang bayad para sa long-distance pick-up.
“The revamped earnings model introduces critical changes, moving beyond mere distance-based compensation. It now factors in the totality of effort exerted by delivery partners,” ayon pa sa kompanya. RNT