Home HOME BANNER STORY Ilang senador oks sa PI proceeding suspension pero publiko pinagbabantay pa rin

Ilang senador oks sa PI proceeding suspension pero publiko pinagbabantay pa rin

MANILA, Philippines – Patuloy na ipinanawagan ng ilang senador sa publiko na manatiling maging mapagmatyag habang ikinatuwa nila ang pagsususpinde ng Commission on Elections (Comelec) sa lahat ng people’s initiative proceedings.

“Sa wakas! Tagumpay po ito ng sambayanan! Tumugon ang pamahalaan sa totoong damdamin ng taumbayan,” ani Senate Majority Leader Joel Villanueva.

“Hindi pa po tapos ang laban, patuloy po tayong manalangin at magbantay para siguruhing maprotektahan ang Konstitusyon na siyang kaluluwa ng ating bayan,” giit pa niya.

Ikinatuwa rin ni Senator Nancy Binay ang posisyon ng poll body ngunit pinaalalahanan pa rin ang publiko na manatiling mapagmatyag.

“Pero sa kabila nito, nanindigan pa rin tayo na dapat mas paigtingin pa natin ang pagbabantay sa umiikot na pagpapapirma sa ating mga purok, barangay, sa mga kalsada’t plaza, sa mga pagpapatipon, at iba pang lugar,” ani Binay.

Sinabi namn ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III, na naunang nagtanong sa “ministerial duty” ng Comelec na tumanggap ng mga pirma mula sa people’s initiative, na sa wakas ay natauhan na ang poll body.

“Nagising din sa katotohanan. Natutuwa ako na nakinig ang Comelec sa atin at sa sambayanang Pilipino. Ang hakbang na ito ay pag-amin ng Comelec sa mga limitasyon ng awtoridad nito. Inuulit ko, ang Comelec ay walang awtoridad sa ilalim ng batas na magbalangkas ng mga alituntunin sa people’s initiative, maging ang pagtanggap ng mga lagda,” aniya.

“Patuloy tayong maging vigilant. Babantayan natin ang Comelec every step of the way. Sa dulo, ako ay naninindigan na ang panukala on the table ay isang revision at hindi amendment, kaya kahit paano pabalibaliktarin, this sham-led initiative should be buried,” ayon naman kay Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros.

Sa pagtanggap sa hakbang, sinabi ni Senador JV Ejercito na “natutuwa siyang malaman na marami pa ring mga opisyal ng gobyerno na matino, gumagalang sa ating Konstitusyon, at magtatanggol sa ating demokrasya sa harap ng masasamang pagtatangka na sirain ito.”

Sa isang press conference noong Lunes, inihayag ni Comelec Chairman George Garcia na nagkakaisang bumoto ang en banc para sa suspensiyon ng Comelec Resolution No. 10650 na sumasaklaw sa mga alituntunin para sa people’s initiative. RNT

Previous articlePanukalang pagbabalik sa June-March na pasukan aprub sa House panel
Next article#WalangPasok: Peb. 9-10, holiday – Malakanyang