MANILA, Philippines- Suportado ni Senador Christopher “Bong” Go na gawing propesyonal ang napapanahon at mabilis na lumalagong potensyal ng e-sports, hindi lamang sa Pilipinas, kundi pati na rin sa buong mundo.
Sa pagdinig na kanyang pinamunuan bilang vice chair ng Senate committee on finance sa mungkahing 2024 budget na P131 milyon ng Games and Amusements Board (GAB), binanggit ni Go ang kapansin-pansing pagsigla ng e-sports at ang pagtaas ng importansiya nito sa professional sports landscape.
“Napansin ko na talagang marami pong sumasali at ako po’y natutuwa dito sa e-sports dahil kahit saan pwede silang mag-participate,” ani Go.
Binigyang-diin ng senador na ang e-sports ay isa rin sa paraan upang mailayo ang kabataan sa iligal na droga.Sa pamamagitan
ng pag-promote sa e-sports bilang alternatibo sa mga mapaminsalang aktibidad, nais ni Go na maakit ang kabataan sa potensyal na kumikitang larangan na nag-aambag sa kanilang pangkalahatang kagalingan.
Ayon kay Go, ang e-sports competitions ay hindi lamang makikita sa metropolitan areas bagkus ay nakararating na rin sa malalayong probinsiya tulad ng Zamboanga Sibugay kung saan siya ay minsan siyang naimbitahang dumalo sa isang e-sports activity noong unang bahagi ng taong ito.
“Ang daming sumasali, as far as sa napuntahan ko sa Zamboanga Sibugay, may mga competitions po sila tungkol sa e-sports,” ani Go.Noong Pebrero, dumalo si Go sa 22nd Araw ng
Sibugay at Sibug-Sibug Festival sa Ipil, Zamboanga Sibugay. Itinampok sa okasyon ang inaugural at pinakamalaking in-person Mobile Legends: Bang Bang Tournament ng lalawigan.
Sa nasabi ring pagdinig, tinanong ni Go si GAB chairman Richard Santos Clarin kung ginagamit ba nang wasto ang confidential funds ng ahensiya laban sa illegal gambling at game fixing sa professional games.
Sagot ni Clarin, mayroon silang P4 milyong budget para sa confidential funds na ginagamit sa pagsugpo sa illegal gambling.
Tinanong din ni Go ang GAB kung may naririnig pa itong ulat ng game fixing sa mga propesyonal na laro at kung kaya nilang kontrahin ito.
Sinabi ni Clarin na umaasa silang magagawa ito sa agresibong pakikipag-ugnayan sa mga propesyonal na liga, tulad ng Philippine Basketball Association (PBA) at Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL), sa ilalim ng direksyon nina commissioners Willie Marcial at Kenneth Duremdes, ayon sa pagkakabanggit.
“As soon as they find na may abnormality, we discuss and investigate. Problema lang, hard to find concrete evidence for it to stand in court. Pero nakikita naman kapag may abnormalities sa stats ng certain professional basketball player or results of the game,” ani Clarin.
Binigyang-diin ni Go na ang kanyang atensyon sa e-sports sa pagdinig sa badyet ng GAB ay sumasalamin sa kanyang pangako na umangkop sa umuusbong na industriya ng palakasan.
Aniya, ang lahat ng uri ng sports ay potyensyal bilang isang katalista sa panlipunang pagpapabuti, lalo sa paglaban sa droga at iligal na pagsusugal. RNT