Home METRO Imbestigasyon ng Bohol Task Force Chocolate Hills resort gumulong

Imbestigasyon ng Bohol Task Force Chocolate Hills resort gumulong

MANILA, Philippines- Inumpisahan na ng six-man member Bohol Task Force ang imbestigasyon upang matukoy kung sino ang dapat managot sa konstruksyon ng isang resort na saklaw ng protected area ng Chocolate Hills, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur’’ Abalos Jr.

Sinabi ni Abalos nitong Martes na kasalukuyang nasa Bohol ang task force members at sinusuri lahat ng dokumento ukol sa konstruksyon at operasyon ng kontrobersyal na resort.

Binubuo ang task force ng legal at technical personnel mula sa DILG at agad na ipinadala sa Sagbayan, Bohol upang busisiin ang operasyon ng Captain’s Peak Resort.

Nangako si Abalos na ang task force “will be looking for all pertinent documents relative to the construction.’’

“Paano napayagan ito (construction of the resort)? Kung ito (construction) ba ay pinayagan o hindi pinayagan? At higit sa lahat ay kung sino ang dapat managot dito,” giit ni Abalos.

Gayundin, inihayag ng opisyal na sisilipin ng task force ang posibleng pananagutan at pagrekomenda ng pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot sa konstruksyon ng Captain’s Peak Resort.  

Inatasan din ni Abalos ang local government units (LGUs) na dawit sa isyu na makiisa sa proseso, at iginiit na ipatutupad ng Task Force ang mandato ng DILG kung saan sisiguruhing lahat ng sangkot na partido ay matutukoy at mapananagot.

“Chocolate Hills is a UNESCO World Heritage Site and a protected area under Proclamation No. 1037, series of 1997 and Republic Act No. 7586 or the National Integrated Protected Areas System (NIPAS) Act of 1992,” paglalahad ng DILG.

Subalit, sinabi ni Abalos na “no timeline was imposed for the Bohol Task Force to complete its probe.’’

Samantala, bukod sa kontrobersyal na Captain’s Peak resort, iimbestigahan din ng DILG ang iba pang establisimyento sa paanan ng Chocolate Hills sa Bohol.

“Well sa mga pinakita sa mga video ito ay talagang sa totoo lang nakakasama ng loob kasi ito ay heritage eh pinagmamalaki sa buong mundo. Iba ang pakiramdam at iniimbestigahan din natin hindi lang ‘yan kundi ‘yung ibang lugar sa Bohol,” giit ng DILG chief. RNT/SA

Previous articleMas malalim na PH-US economic, defense ties nakikita sa pagbisita ni Blinken sa Pinas
Next articleBea at Julia, bati na; Darren, namagitan!