MANILA, Philippines – Umuusad na ang imbestigasyon sa pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon sa Lemery, Batangas, sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Benjamin Acorda Jr. nitong Lunes, Nobyembre 6.
Dahil dito, nanawagan si Acorda sa mga sangkot na sumuko na sa mga awtoridad upang harapin ang mas magaan na parusa.
“What can I say, there is significant progress in the investigation. And that’s why I am appealing now to those who are involved sana sumuko na,” sinabi ni Acorda sa press conference.
Sa kabila nito, hindi pa isinapubliko ng PNP chief ang mga nadiskubre nila sa kaso na ipinresenta ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Kasalukuyang nasa P250,000 ang reward sa makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni Camilon na nagmula kay Batangas Vice Governor Mark Leviste, business sector sa rehiyon, at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Kamakailan ay sinabi ng pulisya na tinitignan nila ang dalawang persons of interest sa kaso, kabilang ang isang pulis at dating may-ari ng sasakyan ni Camilon.
Ayon sa mga awtoridad, lumapit sa kapatid ni Catherine ang malapit na kaibigan nito, at inihayag ang umano’y relasyon sa pagitan ng nawawalang beauty queen at pulis.
Iniulat na makikipagkita sana si Camilon sa pulis sa araw na nawala ito.
Sinabi ng PRO4A na ang naturang pulis ay inalis muna sa pwesto habang gumugulong ang imbestigasyon. RNT/JGC