MANILA, Philippines- Sinimulan ng Department of Justice (DOJ) nitong Lunes ang dalawang preliminary investigations sa human trafficking activities.
Naghain ang anim na Pilipino na nasagip sa Thailand nitong nakaraang linggo, ng sworn statements laban sa recruiters.
Hiningan ang mga biktima, anim sa kanila ay babae, ng tig-P300,000.
Nakipag-ugnayan ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa Office of the Police Attaché sa Thailand para sa pagsagip sa kanila.
Ginamit ang social media para sa recruitment, para sa umano’y trabaho sa Thailand.
Mula roon, dinala sila sa Moei River, na pagitan ng Thailand at Myanmar, at sa Myawaddy sa southeastern Myanmar at northwest ng Bangkok.
Sa Myanmar, dinala sila sa dormitory-type building at pinilit na magtrabaho bilang online cryptocurrency scammers.
Inihayag ng Presidential Communications Office nitong Lunes na nakauwi na ang anim noong May 11.
Iniatas ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa PAOCC, Inter-Agency Council Against Trafficking at sa Philippine Women and Children Protection Center na imbestigahan ang kaso at magbigay ng legal, medical at psychological aid.
Matapos makatakas sa Thailand, nakipag-ugnayan si Col. Dominador Matalang, police attaché sa Bangkok kay Undersecretary Gilberto DC Cruz, PAOCC executive director.
Sa ikalawang kaso, narinig ng prosecutors ang testimonya ng mga testigo mula sa 1,090 nasagip mula sa information technology firm na sangkot din sa crypto scam sa loob ng Clark Freeport Zone sa Mabalacat, Pampanga noong May 4.
Sa mga nailigtas na biktima, 171 ang Filipinos, 389 Vietnamese, 307 Chinese, 143 Indonesians, 40 Nepalese, 25 Malaysians, pitong Burmese, limang Thais, dalawang Taiwanese at isa ang mula sa Hong Kong. RNT/SA