Home NATIONWIDE Imee ‘di nagtataka sa pagkakasangkot ni Speaker Romualdez sa ‘bribed initiatives’

Imee ‘di nagtataka sa pagkakasangkot ni Speaker Romualdez sa ‘bribed initiatives’

MANILA, Philippines – Hindi na lubhang nagtaka si Senador Imee Marcos na si House Speaker Martin Romualdez ang nasa likod na sinasabing “bribed intitiaves” na nangangalap ng lagda kapalit ng P100 kada pirma upang amyendahan ang 1987 Constitution.

Sa pahayag, sinabi ni Marcos na natuklasan na kasangkot ang staff ni Romualdez sa signature campaign kaya hindi nakapagtatakang ang lider ng Mababang Kapulungan ang nagsusulong ng “peoples’ initiatives.’

Aniya, kahit walang opisyal na pahayag mula kay Romualdez sa kanyang pagkakasangkot sa people’s initiative, pero konektado sa kanyang staff ang lahat ng pangalan at mobile numbers na nangangalap ng lagda.

“Ang problema, lahat ng staff, ‘yung mga pangalan na nagte-text sa mga tao, tapos ‘yung mga numbers ay mga staff ng speaker, so hindi mo masisisi ‘yung tao na siya ‘yung tinutumbok,” aniya.

Naunang itinuring ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na bawal ang ginagawang pangangalap ng lagda para sa peoples’ initiatives na kanyang itinuring na “bribed intiatives” dahil kinukuha ang pirma kapalit ng P100 ayuda kada tao.

Matatandaan na inihayag ni Romualdez noong nakaraang taon na akmang-akma ang 2024 upang isulong ang Charter change, at gusto nitong ilunsad ang people’s referendum upang matukoy kung paano boboto ang dalawang Sangay ng Kongreso sa panukalang amendahan ang Saligang Batas.

Ipinanawagan ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Representative France Castro na paiimbestigahan ang nangyayaring signature campaign, na binibili sa pamamagitan ng distribusyon ng ayuda at regalo ng pamahalaan.

Bukod dito, naghain din si Marcos ng resolusyon na naglalayong rebyuhin ang bisa ng Republic Act 6735, ang batas na nagtatakda ng sistema ng inisyatib o referendum sa gitna na napaulat na pangangalap ng lagda sa pagsusulong ng pagbabago sa 1987 Constitution.

Tinukoy din niya ang ulat sa pagbili ng lagda pabor sa ikinakampanya na mula P100 hanggang P1,000 kasama ang panukala sa social protection funds kapalit ng lagda.

“Mukhang surprise gift daw para sa SONA (State of the Nation Address). E di surprise, talagang lahat tayo na-surprise sa PI (people’s initiative), PI na ‘yan. Nakakanerbyos naman,” ayon sa senadora.

“Hindi ko alam kung alam niya (President Marcos) o hindi. Pero dapat alam niya ‘no, kasi dapat alam mo lahat. Kaya lang ‘yun nga, magdahan-dahan sila. Sinasamantala nila ‘yung mabait. Aba eh ‘pag nagalit ang mabait, magdahan-dahan kayo. Mataray din ‘yan,” giit pa ng senador. Ernie Reyes

Previous articleMga mag-aaral nagpaligsahan sa Pangisdaan Festival Street Dance Competition
Next articleTransport groups na pabor sa jeepney modernization, nais sumabak sa usapin sa SC