MANILA, Philippines- Hinikayat ni Senator Imelda “Imee” Marcos nitong Linggo ang Marcos administration na magdahan-dahan sa pahayag nito ukol sa kaguluhan sa pagitan ng Israel and at Palestinian militant group Hamas.
Inihayag ito ni Marcos kasunod ng pagtitiyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na nakikiisa ang Pilipinas sa Israel nang makipagpulong siya kay Israeli Ambassador to the Philippines Ilan Fluss sa Malacañang noong Oct. 11.
“So kinokondena natin ‘yan pero sa kabila nito, maghunos dili tayo sa pagsasalita tungkol sa Palestinian at Israel conflict ‘pagkat andiyan ‘yung trenta mil (30M) yata ang Pilipino mahigit sa Israel – caregiver, agricultural students at iba-iba pa,” pahayag ni Marcos sa isang panayam.
“Pagtibayin muna natin ang seguridad ng mga Pilipinong nasa Israel. At ikalawa, bantayan natin na ‘yung ating sariling kapatid na Muslim eh hindi magalit ng puspusan kapag pumapanig tayo sa iba,” aniya.
“Pero sa kabila nitong lahat ay talagang kinokondena natin lahat ng uri ng terorismo,” dagdag ng mambabatas.
Sinabi ni Marcos, pinuno ng Senate Committee on Foreign Relations, nangangamba siyang maging target ang Pilipinas ng mga taga-suporta ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS), Hezbollah at Hamas kapag pumanig ang Pilipinas sa Israel.
“So dahan-dahan lang tayo at pag-ingatan natin. Wala naman tayong kaaway. Tulad ng lagi kong sinasabi, ang Pilipino ay kaibigan ng lahat,” giit niya.
Itinaas na ng Philippine government ang crisis warning sa Gaza sa Alert Level 4, na nangangahulugan ng mandatory evacuation sa lahat ng mga Pilipino sa lugar. RNT/SA