HUWEBES ng umaga, tambak ang mga pasaherong paalis ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 kaya’t halos lahat ng pila mula sa travel tax, hanggang check-in at immigration ay napakahaba.
May nagwalang foreigner na may nararamdamang hindi maganda sa kanyang katawan dahil hindi ito makalakad ng maayos kaya’t sa person with disability siya pumila. Paano nga namang hindi magagalit itong dayuhan gayung mahigit isang oras na siyang nakapila subalit halos hindi gumagalaw ang pila.
Sa halip na alamin kung ano ang problemang nais iparating ng sumisigaw na dayuhan, nakipagsigawan dito ang nakatalagang tauhan ng Bureau of Immigration na hiniya-hiya ang dayuhan nang sabihing wala itong karapatang pumila sa PWD line.
Hindi lang iyon ang pangyayaring naganap noong araw na yaon. Napakaraming hindi nakasakay sa kanilang eroplanong dapat sakyan, na halos nakipag-away na sa immigration officers pero walang nagawa.
Eh bakit nga ba, nahuli ang mga pasaherong tatlong oras bago ang kanilang flight ay nasa airport na at nagproproseso na ng kanilang mga papel?
Kasi naman, tambak ang pasahero sa immigration na halos magkapalitan na ng mukha sa sobrang dikit-dikit sa pila pero ilang booth o window nito ang walang nakabantay na immigration officer kaya naman napakabagal ng galaw ng mga linya bukod pa sa walang agad-agarang matanong ang mga officer ng BI na kanilang supervisor dahil nga malamang na mahimbing pa ang tulog ng mga ito sa kanilang mga kama.
Aba’y tawagan ang pansin ni BI Commissioner Atty. Norman Tansingco sapagkat kahit anong sipag niya ay apektado ang kanyang performance ng mga immigration officer na bukod sa mga bastos sa pakikiharap sa mga nagpapasuweldo sa kanila ay madalas matulog sa pansitan.