Home METRO Implementasyon ng single-ticketing system aarangkada na sa Pasay

Implementasyon ng single-ticketing system aarangkada na sa Pasay

MANILA, Philippines – Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Pasay na simula sa darating na Lunes, Marso 18 ay ipatutupad na ang implementasyon ng single-ticketing system (STS) sa lungsod.

Ayon kay Traffic and Parking Management Office (TPMO) head Arturo Fortaleza, ang implementasyon ng single-ticketing system ay ibinase sa City Ordinance No. 6248, S2023 na naaayon sa Metro Manila Traffic Code (MMTC).

Sisimulang ipatutupad ang sistema ng single-ticketing system na magpapataw ng pare-parehong multa at penalty ng mga lalabag sa batas trapiko sa buong National Capital Region (NCR).

Sinabi ni Fortaleza na mas marami pang traffic enforcers ang itatalaga sa mga pangunahing kalsada sa iba’t-ibang lugar sa lungsod para sa implementasyon ng single-ticketing system kung saan nakahanda na ang kanilang 30 handheld devices na gagamitin para sa pagpapatupad ng STS.

Dagdag pa ni Fortaleza na sa ilalim ng pagpapatupad ng STS ay mapapadali na rin dito ang proseso sa pagbabayad ng multa ng mga lumabag sa batas trapiko na mga motorista at mababawasan na rin at malilimitahan kung hindi man maiiwasan ang pagtatangka ng korupsyon.

Matatandaan na naunang inilunsad ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang pilot run ng STS noong Mayo ng nakaraang taon sa limang lungsod sa Metro Manila kung saan naging matagumpay ang pagpapatupad nito. James I. Catapusan

Previous articleP16M ari-arian naabo sa sunog sa Rizal
Next articleQuezon niyanig ng magkasunod na lindol