MANILA, Philippines – Binawi ng Department of Agriculture (DA) ang plano nitong maglagay ng suggested retail prices (SRPs) para sa puti at pulang sibuyas sa merkado.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary Rex Estoperez, hiniling umano ni Senior Undersecretary Domingo Panganiban na ipagpaliban muna ang implementasyon nito dahil nais pa nila ng mas malawak na pag-aaral ng cost structure nito.
“Mukhang he’s not convinced with the cost structure na pinresent doon to set the SRP,” pagbabahagi ni Estoperez nitong Miyerkules, Mayo 24.
Matatandaan na noong nakaraang linggo ay sinabi ng DA na kinokonsidera nilang maglagay ng SRP sa mga sibuyas.
Plano rin ng Department of Agriculture na magpatupad ng “cold storage price” o wholesale price na P115 kada kilo sa pulang sibuyas at P100 kada kilo sa puting sibuyas.
Sa huling monitoring ng DA, umaabot sa P150 hanggang P200 kada kilo ang presyo ng puting sibuyas at P100 hanggang P200 kada kilo naman ang presyo sa lokal na pulang sibuyas sa mga pamilihan.
Ayon kay Estoperez, bagama’t nakabitin ang planong SRP, patuloy pa rin nilang babantayan ang mga cold storage facility.
“Last January the SRP did not work out, eh ayaw na nating mangyari ulit ‘yun,” aniya.
Advertisement