Home HOME BANNER STORY Import ban sa bird, poultry products mula Japan ipinatupad ng Pinas

Import ban sa bird, poultry products mula Japan ipinatupad ng Pinas

MANILA, Philippines — Inihayag ng Department of Agriculture (DA) na pansamantalang ipatutupad ang pag-ban sa pag-import ng mga ibon at poultry products mula Japan matapos mag-ulat ang huli ng Highly Pathogenic Avian Influenza (HPAI) o bird flu outbreak noong Nob. 28, 2023.

Ipinagbabawal ang mga domestic at wild bird, itlog, day-old chicks, at iba pang uri ng poultry products mula sa Japan, dagdag pa sa abiso.

Nilagdaan din ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. ang isang memorandum order noong Miyerkules, Enero 17, ukol sa suspensyon sa pag-iisyu ng sanitary at phytosanitary import clearance para sa mga papasok na shipment mula sa Japan ng mga wild bird, poultry at poultry products, dagdag ng DA.

“Tanging ang mga ligaw na ibon, manok at mga produktong manok na inangkat mula sa Japan na nasa transit na, kinakarga at tinatanggap sa o bago ang Nobyembre 10 ang papayagang makapasok sa Pilipinas,” sabi ng departamento.

“Ang mga padala pagkatapos ng Nobyembre 10 ay ibabalik sa Japan, o kukumpiskahin at sisirain,” idinagdag nito.

Sinabi ng DA na ang isang ulat ng Ministry of Agriculture, Forestry at Fisheries ng Japan ay nagpakita na nagsimula ang outbreak noong Nob. 24 sa Kashima City sa Saga Prefecture. Iniulat ng Japan ang outbreak sa World Organization for Animal Health noong Nob. 28, idinagdag nito.

Noong Miyerkules, ipinagbawal din ng DA ang pag-import ng mga manok mula sa California at Ohio, USA dahil sa paglaganap ng bird flu. Mas maaga noong Enero, ipinagbawal din nito ang parehong mga produkto mula sa France at Belgium kasunod ng kanilang ulat ng bird flu outbreak sa World Organization for Animal Health.

Ang Highly Pathogenic Avian Influenza (HPAI) ay isang nakakahawang sakit na kadalasang nakamamatay sa mga manok. Santi Celario

Previous articleP39-M lotto jackpots ‘di napanalunan
Next articleBalik June-March na pasukan pinag-aaralan ng DepEd