Home NATIONWIDE In-depth debate sa abortion, anti-discrimination bill, ipinakakasa sa Senado

In-depth debate sa abortion, anti-discrimination bill, ipinakakasa sa Senado

MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Alan Peter Cayetano kamakailan sa Senado na talakayin pa sa committee level ang lahat ng isyu tulad ng abortion at Anti-Discrimination Bill na lalahukan ng Commission on Human Rights (CHR) at kinauukulang ahensiya.

Sa pahayag, sinabi ni Cayetano, mahigpit na tumututol sa abortion, na pagkatapos ng mainitang pagtalakay sa plenaryo ng badyet ng CHR sa 2024, nagkaroon ng tensiyon sa hindi nagtutugmang pahayag ng komisyon sa isyu ng abortion.

Noong nakaraang linggo, binatikos ni Cayetano ang CHR dahil sa malabong paninindigan nito sa abortion, dahil salungat sa itinakda ng Saligang Batas ang pag-decriminalize ng abortion na nagsasabing dapat protektahan ang karapatan ang buhay ina at sanggol na hindi pa naisisilang.

“I’d like to pursue this because I really feel that the Philippines should be the champion of pro-life, not only of the unborn but everything about life,” dagdag niya sa isyu ng abortion.

Nitong Martes, Nobyembre 21, pinagsabihan naman muli ng ilang senador ang CHR hinggil sa isa sa opisyal nito na nagbukod kay Senate Majority Leader Joel Villanueva dahil sa kanyang pag-aatubili sa Sexual Orientation, Gender Identity, Gender Expression (SOGIE) Equality Bill.

“I think this deserves more discussion. In the same way that we said here, dapat ‘yong pro SOGIE Bill at pro Anti-Discrimination Bill ay makinig sa atin. We should also listen to those who are saying na may right of choice, et cetera,” paliwanag ng independent senator sa Senado madaling araw ng Martes.

Sinabi ni Cayetano na pumayag na si Senator Francis Tolentino, bilang chairman ng Committee on Justice and Human Rights, na ituloy ang mga pag-uusap sa komite.

Sa pagdedetalye ng halimbawa tungkol sa opisyal ng CHR at Senador Villanueva sa Anti-Discrimination Bill, tinukoy ni Cayetano ang isang video na ipinakita ni Villanueva sa kamara.

Ipinakita ng video si Atty. Krissi Shaffina Twyla Rubin, OIC ng Center for Gender Equality & Women’s Human Rights, na nagsasalita sa entablado sa pride month rally noong Hunyo sa Quezon City na nagsasaad na ang komisyon ay may petisyon para kay Villanueva sa SOGIE bill.

Sabi ni Rubin sa video, ”Mayroon tayong love letter kay Senator Joel Villanueva. At ang ating panawagan po, dear Senator Villanueva, dear senators natin, lahat po kayo, sana pakinggan niyo ang boses ng ating LGBTQ community at ang ating sigaw, ano pong gusto nating ipasa? SOGIE Equality bill.”

Hindi napalagay ang mga senador sa video na ito kung kaya’t sinuspinde nila ang mga panuntunan ng Senado upang linawin kay Rubin at sa mga opisyal ng CHR kung ang hakbang na ito ay pinahintulutan ng mismong komisyon.

“Is it the position of the commission that if you are against the SOGIE Bill, you are anti-LGBT? There’s a difference between allowing discrimination against LGBT and the provisions of the SOGIE Bill. Magkaiba ‘yon,” sabi Cayetano sa mga opisyal ng CHR.

“I think everyone in the Senate is against any form of discrimination for the LGBT community, pero hindi ibig sabihin ‘pag may objections ka sa certain provision sa SOGIE, you’re anti-LGBT,” dagdag niya.

Ipinaliwanag ni CHR Chairperson Richard Palpal-latoc na ang mga aksyon ni Rubin sa rally ay hindi opisyal na paninindigan ng CHR. Gayunpaman, sinabi niya na ang opisyal na paninindigan ng komisyon ay isulong ang pagpasa ng SOGIE bill.

Ngunit ipinunto ni Cayetano na dahil sa ginawa ni Rubin, naging biased ang CHR sa LGBTQ community at laban kay Villanueva.

“The point is that the commission is now a partisan in hitting the Majority Leader because he has some concerns with some provisions in the SOGIE bill. And because in social media, in [traditional] media, in the public and rallies, pinapalabas na anti-LGBT siya. That’s very unfair,” wika niya.

Matapos hilingin sa mga opisyal ng CHR na pag-usapan at linawin pa ang isyung ito sa Senado, inihain ni Cayetano ang panukala na dalhin ito sa pagdinig ng komite para matapos ang usapin.

“I respect what you’re fighting for. I respect your advocacy but the way you did it as a commission is not acceptable. It’s not being done in a civilized way. Even in a rally… If y’un ang stand n’yo, do it in your individual capacity,” aniya.

“But as the CHR, meron kayong duty to do it a certain way and in a way that promotes better communication with everyone,” dagdag niya. Ernie Reyes

Previous articleKamara sumaklolo sa mga binahang residente sa Northern Samar
Next article2 utas sa retiradong pulis