MANILA, Philippines- Nakauwi na sa Pilipinas ang overseas Filipino worker (OFW) na ina ng criminology student na namatay dahil umano sa hazing, nitong Biyernes upang magluksa sa pagpanaw ng kanyang anak.
Sinabi ni Cherryl Bravante na umuwi siya upang makuha ang hustisya sa pagkamatay ng 25-anyos na criminology student na si Ahldryn.
Lumapag si Bravante sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 dakong alas-11:07 ng umaga sakay ng Gulf Air flight mula sa Oman. Inasistihan siya ng mga tauhan ng Overseas Worker Welfare Administration (OWWA).
Sa isang ambush interview, sinabi ni Bravante na titiyakin niyang mananagot lahat ng miyembro ng Tau Gamm Phi fraternity na kasama sa initiation ng kanyang anak.
“Lahat sila gusto ko sila maparusahan dahil mahirap. Gusto ko managot lahat hindi lamang dalawa sa mga miyembro ng nasabing fraternity,” pahayag niya.
Pumanaw si Ahldryn, residente ng Imus, Cavite, ilang buwan matapos mamatay ng nakatatanda nitong kapatid dahil sa isang aksidente.
“Kababalik ko lang sa trabaho dahil ilan buwan pa lamang namatay naman ang isa ko pang anak,” pagbabahagi ni Bravante.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), sumailalim si Ahldryn sa initiation rites mula sa kanyang fraternity brothers sa Tau Gamma Phi.
Isinagawa ang initiation sa abandonadong bahay sa Calamba Street, Brgy. Sto. Domingo, Quezon City noong Oct. 16.
Matapos ang initiation, nawalan ng malay si Ahldryn at dinala sa Chinese General Hospital sa Manila ng dalawa niyang fraternity brothers kung saan siya idineklarang dead upon arrival, anang mga pulis.
Sa kasalukuyan ay nasa ilalim ng kustodiya ng QCPD ang apat na suspek sa insidente.
Batay sa imbestigasyon, nagtamo si Ahldryn ng mga pasa at paso ng sigarilyo mula sa halos 60 palo sa kanyang katawan.
Samantala, nagbigay ang Department of Social Welfare and Development ng financial at academic assistance sa pamilya ni Ahldryn.
Inihayag ng DSWD nitong Biyernes na nagbigay ang departamento ng P10,000 cash assistance, P40,000 para sa burial expenses, at educational assistance para sa dalawang kapatid at anim na taong gulang na anak ni Bravante.
“The loss of a loved one is an incredibly distressing and overwhelming experience, and the DSWD is committed to supporting families in their time of need,” pahayag ni DSWD Assistant Secretary for Strategic Communications and spokesperson Romel Lopez.
Sinabi niya na handa ang DSWD sa pagbibigay ng ano pa mang tulong sa pamilya ni Bravante sa panahon ng kanilang pagluluksa. RNT/SA