Home METRO Indianong nagpapautang pinagbabaril sa N. Cotabato

Indianong nagpapautang pinagbabaril sa N. Cotabato

MIDSAYAP, North Cotabato – Tinutugis ngayon ng kapulisan dito ang armadong riding in tandem na pumatay sa isang dayuhang nagpapautang sa pamamaril sa highway dito noong Martes, Enero 30, ng umaga.

Kinilala ni Lt. Col. John Miridel Calinga, hepe ng municipal police, ang biktima na si Juty Singh, isang Indian national na nagpapautang at naninirahan sa Barangay Bolocawon, Pigcawayan, North Cotabato.

Kritikal naman sa nasabing pamamaril ang angkas na Pinay ng biktima na si si Rojane Pantua Arandilla.

Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni Calinga na sakay ang mag-asawa sa isang motor na minamaneho ni Singh patungo sa mismong bayan ng Midsayap mula sa Datu Piang, Maguindanao del Sur nang pigilin sila ng dalawang lalaki na sakay ng magkahiwalay na motor.

Hinablot ng isa sa mga armadong lalaki ang sling bag ng Indian national na naglalaman ng pera ngunit nanlaban ang huli, dahilan upang barilin ng isa sa mga suspek sina Singh at Arandilla.

Ang pagpatay kay Singh noong Martes ay ang ikaapat sa rehiyon ng Soccsksargen at sa Bangsamoro Autonomous Region sa Muslim Mindanao na kinasasangkutan ng mga dayuhang nagpapahiram ng pera – dalawang Indian national at isang Pakistani national – mula noong Nobyembre ng nakaraang taon. Santi Celario

Previous articleAgarang tigil-putukan sa Gaza ipinanawagan ng Pinas
Next articleMagkalaguyong kawani ng munisipyo, huling hubo’t hubad