MANILA, Philippines – Patuloy na isinusulong ni Senador Christopher “Bong” Go ang pangangailangang tugunan ang mental health concern ng mga kabataang Pilipino sa pamamagitan ng Senate Bill No. 1786 na mag-aatas sa public higher education institutions (HEIs) na magtatag ng Mental Health Office sa kani-kanilang kampus.
Sa isinagawang relief activity ng kanyang grupo sa Puerto Princesa City, Palawan noong Biyernes, kinilala ni Go ang matinding pangangailangan para sa komprehensibong suporta sa mga estudyanteng nahaharap sa mental health challenges.
“Napakahalagang tugunan ang kalusugang pangkaisipan, tulad ng iba pang alalahanin sa kalusugan. Importante na magkaroon tayo ng available na mental health care services sa basic education at higher education,” aniya.
Kung magiging batas, ang CHED at ang mga pampublikong HEI, sa pamamagitan ng kanilang Mental Health Offices ay dapat magpasimula ng kampanya na magpapataas ng kolektibong kamalayan ng mga mag-aaral ukol sa mental health.
Si Go ay co-author din ng SBN 379 ni Senator Sherwin Gatchalian, mas kilala bilang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act, na layong magbigay ng mga serbisyo sa kalusugan sa isip, emosyonal, developmental at preventive program sa antas ng pangunahing edukasyon.
Idinaos sa Ramon V. Mitra (RVM) Sports Complex, namahagi ang grupo ni Sen. Go ng mga pagkain, kamiseta at ang mga piling estudyante ay tumanggap ng sapatos at bola para sa basketball at volleyball.
Nagbigay din ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng pinansyal upang matulungan ang mga mag-aaral sa kanilang pangangailangan sa edukasyon.
“Maraming maraming salamat po kay Senator Bong Go at ganun din po kay Councilor Elgin Damasco. Salamat po sa ayuda ng DSWD para sa educational assistance. Yung pera po ay ipangbibili ko ng kailangan ng aking anak para sa school at para sa uniforms din po,” pahayag ni Connie Arsado, nanay ng isa sa mga benepisyaryo.
Nag-alok din si Go, chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, na tulungan ang mga may isyu sa kalusugan habang hinikayat niya silang humingi ng serbisyo sa Malasakit Centers na matatagpuan sa Ospital ng Palawan sa Puerto Princesa City, Culion Sanitarium Hospital sa Culion, at Southern Palawan Provincial Hospital sa Brooke’s Point.
“Meron na tayong 158 Malasakit Centers sa buong bansa. Ang Malasakit Center ay one-stop shop na kung saan ang apat na ahensya ng gobyerno ay nasa loob ng ospital. Ito ang PhilHealth, Philippine Charity Sweepstakes Office, Department of Health at DSWD na handang tumulong sa inyong lahat,” paliwanag ni Go, na siyang principal author at sponsor ng Malasakit Centers Act of 2019. RNT